9 na sumukong NPA sa Carranglan, nakatanggap ng P15,000

Ipinamahagi na ang mga tseke na nagkakahalaga ng P15,000 sa siyam na sumukong rebelde sa bayan ng Carranglan bilang bahagi ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) ng gobyerno upang matulungan ang mga nagbalik loob na Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA).

Ang tulong ay mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG), Provincial Government ng Nueva Ecija kaagapay ang Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) at sa pakikipagtulungan ng Philippine Army at Nueva Ecija Provincial Police Office (NEPPO).

Bitbit ang kanilang mga armas ang siyam na rebelde ay sumuko noong June 28, 2018 sa 84th Infantry (Victorious) Battalion at 3rd CMO Company, 7th Infantry Division (7ID).

Ayon kay “Ka Pader”, isa sa mga sumuko, matinding hirap ang kanilang naranasan sa pakikibaka. Aniya, napagtanto nila na hindi ang madugo at marahas na labanan ang solusyon sa hirap na kanilang nararanasan.

Nauna ng nakatanggap ng dalawang pares ng tupa, bigas at groceries ang bawat isang returnees noong buwan ng Hunyo.

Bukod sa siyam na dating miyembro ng NPA ay mayroon pang pitong sumuko ang nakatakdang mabigyan din ng tseke na may kaparehong halaga.

Sa pahayag ni COL Rowen Tolentino ng 7ID, ilan lamang ito sa mga benepisyong maaaring makuha ng mga returnees sa E-CLIP.

Samantala, ang pamamahagi ng tseke ay isinabay sa isinagawang Peace Rally ng lokal na pamahalaan ng Carranglan na may temang “Isulong ang Carranglan, paunlarin ang bayan. Lahat magtulungan”.

Ayon kay Mayor Mary Abad, layunin nito na makilala ang naturang bayan bilang mapayapa at mapagmahal na pamayanan sa kabila ng pagsusumikap na malabanan ang mga makakaliwang grupo.

Bilang tanda ng pagsuporta sa kapayapaan ay lumagda sa isang kasunduan ang  mga miyembro at kinatawan ng Provincial Government, LGU, DILG, AFP at NEPPO.

Kasabay ang pagpapalipad ng puting lobo.  –Ulat ni Danira Gabriel


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *