Accomplishments, ibinida sa 31st Founding Anniversary ng 7th ID, Phil Army

Sa mensahe ni Major General Lenard Agustin, Commander ng 7th ID, PA, inihayag nito na hindi sila nag-celebrate noong nakaraang taon dahil ipinagluksa nila ang mga sundalong napatay sa engkwentro sa Mountain Province at Abra.

Umabot aniya sa 159 na mga dating rebelde ang sumuko at nagbalik-loob sa gobyerno sa loob lang ng isang taon dahil sa pagpapatupad ng kanilang mga bagong sistema at mas pinaigting na programa laban sa insurhensya.

Mula August, 2018 hanggang sa kasalukuyan ay nasa 74 firearms ang kanilang nakumpiska.

Nagsilbing panauhing pandangal sa 31st Founding Anniversary ng 7ID, Phil Army si LTGEN Macairog S. Alberto AFP, Commanding General, Philippine Army.

Ipinagmalaki rin ni Major General Agustin ang galing ng kanilang Disaster Response Unit na sumabak sa rescue operation and relief assistance sa mahigit 54,000 na naapektuhan ng mga bagyong Ompong at Rosita noong 2018.

Ibinahagi rin nito ang paggagawad ng Armed Forces of the Philippines sa pangunguna ni General Benjamin Madrigal Jr. ng Plaque of Kapayapaan dahil sa pagsugpo ng mga unit ng 7ID sa terrorismo sa mga nasasakupan nilang lugar.

Kung dati ay tinatawag umanong Fort Magsisi ang Fort Ramon Magsaysay Military Reservation ngayon makaraan ang tatlumpo’t isang taon ay ibang-iba na ito dahil sa maayos na pasilidad at mga bagong kagamitan.

Pinasalamatan ng 7ID ang mga stakeholders na patuloy na sumusuporta sa kanila; labing-isa ang binigyang pagkilala kabilang ang mga lokal na opisyal ng lalawigan ng Nueva Ecija at mamamahayag.- ulat ni Clariza de Guzman


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *