Administrative cases vs mga lokal na opisyal ng Nueva Ecija, dinisisyunan ng Sangguniang Panlalawigan

Sa ikatlong regular na sesyon ng Sangguniang Panlalawigan para sa taong 2020 na ginanap noong nakaraang Lunes, January 20, ay dinisisyunan na ng Committee of the Whole ang dalawang kasong administratibo laban sa dalawang lokal na opisyal ng Nueva Ecija.

Ang unang kaso ay ang Administrative Case No. 04-s-2019-SPNE o kasong Conduct Prejudicial to the Best Interest of Public, Grave Abuse of Authority and Grave Misconduct na isinampa ni Roberto Vergara laban kay ABC President Narciso Franco ng Barangay Entablado, Cabiao, Nueva Ecija.

Base sa naunang pagpupulong ng Committee of the Whole ay dismissed ang naging pasya nito na in-adapt naman sa sesyon dahil sa lack of jurisdiction o hindi na abot o saklaw ng kapangyarihan ng Sanggunian ang naturang kaso.

Ang isa naman ay ang Administrative Case No. 19-071119-03 o Grave Misconduct and Grave Abuse of Authority na isinampa ni Estelita Acuna laban kay Brgy. Capt.  Edgardo Dizon ng Barangay Rangayan, Science City of Muñoz, Nueva Ecija, na pinasyahang i-set aside o isantabi.

Base sa binasang Committee Report ni 1st District Board Member Roseller de Guzman, ibinabalik si Brgy. Capt. Dizon sa kanyang posisyon kaakibat ang pagbibigay dito ng kanyang mga benepisyo at honoraria bilang kapitan mula sa araw ng pagkakasuspendi nito sa kanyang opisina.

Maliban sa dalawang kaso, ay ini-refer din ng mga bokal ang dalawampu’t isang resolusyon at dalawampung ordinansa galing sa mga bayan at lungsod sa lalawigan sa kani-kanilang mga komite. Kabilang na rito ang Committee on Finance, Budget and Appropriation, Committee on Disaster and Rehabilitation, Peace and Order, and Public Safety, Committee on Laws, Rules and Regulations, at Committee on Good Government, Public Ethics and Accountability. –Ulat ni Jessa Dizon


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *