Ako ang Saklay, itinalaga bilang katuwang kontra iligal na droga; 12 steps Community Based Program, isinulong

   Itinalaga ng Provincial Government sa pangunguna ni Gov. Cherry Umali at Provincial Anti Drug Abuse Convenors Council Chairman Atty. Aurelio Umali ang Ako ang Saklay bilang pangunahing katuwang sa pagpapatupad ng programa na ilalaan para sa mga drug surrenderees.

   Sa pamamagitan ng pagkakaisa ng Pamahalaang Panlalawigan, Anti Drug Convenors Council, Ako ang Saklay, ahensiya ng gobyerno, NGOs at iba pang sektor. Pinlantsa ng buong grupo ang isang programa upang matulungan na isailalim sa matinding rekoberasyon ang mga biktima ng iligal na droga sa probinsiya, upang masiguro na tuluyan na nilang tatalikuran ang paggamit o pagtutulak ng masamang bisyo.

   Ayon kay Fr. Arnold Abelardo ng Ako ang Saklay Inc., hindi maaring matapos sa panunumpa lamang ang gagawin ng mga sumukong drug personalities sa probinsiya.

   Ang programa ay tinatawag na “12 steps Community Based Approach to Drug prevention, Intervention and Moral Recovery Program”, kung saan matutugunan na ng pamahalaan ang pangangailangan ng mga biktima ng iligal na droga sa kanilang hinahangad na pagbabagong buhay.

  1. Bigyan ng malawak na kaalaman ang mga mamamayan ukol sa iligal na droga
  2. Pagunawa sa epektong dulot ng iligal na droga sa pamilya at komunidad
  3. Bigyan ng partisipasyon at kapasidad ang mga mamamayan sa pagbabagong buhay ng mga biktima
  4. Bigyan ng kaalaman ang mga kabataan sa iligal na droga
  5. Partisipasyon ng bawat sektor sa kampanya laban sa iligal na droga
  6. Maayos na koordinasyon ng pnp sa mga barangay para sa oplan tokhang
  7. Irespeto ang karapatan ng mga suspek sa kanilang pagkakakilanlan
  8. Pagpapatayo ng mga Bahay Pagasa(rehabilitation/reformation centers)
  9. Magorganisa ng mga volunteers
  10. Bigyan ng pisikal na aktibidad ang mga surrenderees
  11. Magbigay ng skills and livelihood trainings
  12. At ang susi sa katagumpayan ng programa ay ang pagkakaisa ng mga Nat’l Gov’t, Prov’l Gov’t, NGOs, Private, Youth, Religious Sectors

   Kumpiyansa man sa programa, aminado si Fr. Abelardo na malaking bilang pa ng mga volunteers ang kakailanganin nila upang maisakatuparan ang “12 hakbang tungo sa Pagbabagong Buhay” sa buong probinsiya.

   Ang Ako ang Saklay ay grupo ng mga medical, social, psychological, police lawyer at religious volunteers na mula sa non-government offices, ahensiya ng gobyerno at pribadong sektor na nagbibigay ng Community Based Recovery Program para sa mga biktima ng ipinagbabawal na gamot. -Ulat ni Danira Gabriel


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *