Alternatibong negosyo, maaaring simulan sa halagang P200-PTIO

Pangunahing kabuhayan sa lalawigan ng Nueva Ecija ang pagsasaka, ngunit sa mga panahon na gawat o walang ani ay nahihirapang maghanap ng alternatibong pagkakakitaan ang ilang Novo Ecijano.

Kaya naman,  ang Pamahalaang Panlalawigan sa pangunguna ni Gov. Czarina “Cherry” Umali, kasama si Bokal Nap Interior at mga kawani ng Provincial Trade and Industry Office (PTIO) ay kasalukuyang umiikot sa iba’t-ibang bayan at lungsod ng ika-apat na distrito upang magsagawa ng libreng livelihood training.

Itinuro sa mahigit kumulang pitumpong residente ng Brgy Callos sa bayan ng Peñaranda ang mano-manong paggawa ng doughnut.

Matapos paghalu-haluin ang mga sangkap, masahin, putulin at bilugin ayon sa gustong sukat at iprinito ng ilang minuto. Instant, meron ka ng negosyo.

Sa puhunan na P267, ay maaari ka ng makagawa ng isang daan at labing limang piraso na pwede mong ibenta ng P4-P5 kada piraso at kumita ng P460 hanggang P575.

Ayon kay BM Interior, layunin ng livelihood training na ang bawat residente ay maging negosyante.

Hinihikayat din ni Marilou Ramos Project Development Officer ng PTIO, na subukan ang pagnenegosyo dahil maliit lamang ang puhunan at madali pa itong pag-aralan.

Samantala, kasabay ng livelihood training ay binusog naman ng Kitchen on Wheels na programa pa rin ng Pamahalaang Panlalawigan ang anim na raang estudyante ng Callos Elementary School. –Ulat ni Danira Gabriel


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *