Anak ng construction worker, nagtapos bilang cum laude sa PUP Cabiao

Emosyunal na nagbahagi ng talumpati ang nanguna sa tatlong Cum Laude ng Polytechnic University of the Philippines-Cabiao Campus na si Ara Fanugao na nagtapos ng kursong Business Administration kahapon, April 25.

Panglima sa pitong magkakapatid si Ara at hindi aniya madali ang kanilang pinagdaanan upang makapagtapos siya ng pag-aaral. Aniya, isang construction worker ang kaniyang ama kaya hindi regular ang kita nito.

Kwento pa ni Ara sa kanyang talumpati, kasama sa mga pagsubok na napagdaanan nilang magkakapatid ay ang maglakad mula sa kanilang tahanan papuntang paaralan simula elementary hanggang highschool pero ang mga hamon na ito ng buhay ang lalong nagpatatag sa kanila.

Tatlong cum laude mula sa 113 na estudyante ang nagtapos sa Polytechnic University of the Philippines-Cabiao Campus noon April 25, 2018. (Mula kaliwa hanggang kanan: Lara Mae Manalastas, Jeff Nathaniel Luna, Ara Fanugao)

Bukod kay Ara ay nagtapos din sina Lara Mae Manalastas at Jeff Nathaniel Luna bilang Cum laude na parehong may kursong Elementary Education.

Dumalo rin sa naturang graduation sina Mayor Ramil Rivera, at nagsilbing kinatawan ni Atty. Aurelio Umali si Gov. Czarina Umali bilang commencement speaker habang guest speaker naman si Sen. Joseph Victor Ejercito. Nag-iwan ang mga ito ng mensahe sa mga graduates na huwag aniyang hayaang maging balakid sa pag-abot ng tagumpay ang mga pagkakamali at problema sa buhay.

Samantala, inanunsyo naman ni Mayor Rivera ang plano nilang pagpapalawak ng PUP Cabiao Campus katuwang sina Sen. Ejercito, Gov. Umali at PUP President Emanuel De Guzman. -Ulat ni Irish Pangilinan


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *