Apat na resolusyon ng Nueva Ecija Food Council, pinagtibay ng Sangguniang Panlalawigan

Pinagtibay ng sangguniang panlalawigan ang apat na resolusyon ng Nueva Ecija Food Council sa kanilang ika-dalawampung regular na sesyon noong Martes, November 12, 2019.

Nakapaloob sa PFC Resolution No. 002, PFC Resolution No. 003, PFC Resolution No. 004 at PFC Resolution No. 005 ang pagtaas sa tatlong ektaryang bukirin na bibilhan ng palay ng Provincial Food Council, presyo ng Malasakit Rice, pagbili at pagbenta ng tuyong palay, pagbibigay ng pondo para sa pagbili ng post-harvest at storage facilities at pagbili ng combine harvesters with trailer.

Paliwanag nina Engr. Dennis Agtay, hepe ng Provincial Planning and Development Office at PFC Secretariat Jaycel Villegas, base sa resolusyon binibigyan ng pribilehiyo ang mga kawani ng kapitolyo na makabili ng hanggang anim na sako ng tig-25 kilos ng Malasakit Rice.

Maaari na ring magbenta ang PFC sa mga Local Government Units sa lalawigan, habang bibigyan naman ng diskwento ang mga whole sale buyers at ang mga disadvantage sectors.

Napagkasunduan sa council meeting ng PFC noong October 23, 2019 na ibebenta ang Malasakit Rice sa halagang 30 pesos per kilo sa mga empleyado ng provincial government at 31 pesos o 775 per 25 kilos ng bigas sa merkado.

Bunsod na rin anila ng kahilingan ng mga magsasakang naka-ani at nakapagpatuyo na ng kanilang mga inaning palay na nais mapabilang sa farmer beneficiaries ng programa ay bibili na rin ang pamahalaang panlalawigan ng mga tuyong palay.

Dalawang rice mill naman ang ipatatayo sa Lungsod ng Cabanatuan at sa Bayan ng Guimba, at drying facility with warehouse sa ika-apat na distrito na posibleng ilagay sa Bayan ng Jaen at San Leonardo.

Isang combine harvester kada distrito ang target din ng kapitolyo na mabili upang maiwasan ang pagka-antala ng pag-ani ng mga magsasaka na kadalasan nilang nararanasan.— Ulat ni Jovelyn Astrero

https://youtu.be/hIJ-BlRSHkE


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *