Aplikasyon para sa Civil Service Exam sa March 15, 2020, tuloy-tuloy

Kasalukuyan nang tumatanggap ng aplikasyon ang Civil Service Commission o CSC para sa mga interesadong makakuha ng unang Civil Service Exam para sa March 15 sa susunod na taon.

Ang eksamen ay bukas para sa lahat ng Pilipino edad 18 pataas na may good moral character, hindi nahatulan ng korte sa kahit anong kaso o di kaya ay natanggal sa gobyerno dahil sa imoral na gawain at hindi kumuha ng kahalintulad na lebel ng career service test sa loob ng tatlong buwan.

Kinakailangan lamang dalhin sa mga opisina ng CSC dito sa Cabanatuan City ang mga sumusunod na dokumento: Application Form na manggagaling sa opisina o maaaring i-print sa kanilang official website, apat (4) na kopya ng passport sized ID pictures na may name tag sa ilalim, original at photocopy ng kahit anong valid ID, at P500 para sa application fee.

Sa unang araw pa lang ng filing ay dinagsa na ang tanggapan ng CSC dito sa Lungsod ng Cabanatuan at isa ang estudyanteng si Danalyn Soner na nanggaling pa sa Bayan ng Quezon at nagsakripisyong gumising ng alas-tres ng umaga para mag-file ng application para sa pagsusulit.

Plantilla position naman ang nais makuha ni Emerson Angellano na tatlong taon nang nagseserbisyo sa Lokal na Pamahalaan ng Talugtug  bilang isang casual employee sa kanyang ikalawang beses na pagsailalim sa Civil Service Exam sa March 2020.

Magkaroon ng permanenteng trabaho sa gobyerno upang makatulong sa mga magulang naman ang nais ni Ryan Christian Clamonte ng Aduas Centro, Cabanatuan City kaya ito muling sumubok sumailalim sa pagsusulit.

Paalala naman ng CSC, kapag napunan na ang target number ng mga aplikante anumang araw ay maaari na nilang isara ang filing ng application kahit na hindi pa umaabot sa deadline na January 15, 2020, kaya naman inaanyayahan na ang lahat ng mga nagbabalak kumuha ng pagsusulit na agad ng magtungo sa kanilang tanggapan sa Old Capitol Building, Cabanatuan City. –Ulat ni Jessa Dizon

Watch – Aplikasyon para sa Civil Service Exam sa March 15, 2020, tuloy-tuloy


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *