Aralin tungkol sa mga katutubo, isasama na sa curriculum ng mga eskwelahan

Sa isinagawang media briefing, inilahad ni Dr. Arneil Gabriel, Chief ng Center for Indigenous Peoples’ Education na isasama na sa curriculum at mga inooffer na course ng mga Higher Education Institution ang mga aralin tungkol sa mga katutubo at kanilang kultura.

Alinsunod umano ito sa CMO 2 Series of 2019 ng Commission on Higher Education kung saan layuning matugunan ang mga isyung kinakaharap ng mga katutubo pangunahin na ang kahirapan at pag-abuso sa kanilang mga karapatan.

Base sa ulat ni NCIP-Nueva Ecija Provincial Director Donato Bumacas, maraming mga katutubo ang hindi nakakapag-aral dahil sa hirap ng buhay.

Tinatayang nasa 81% ang poverty incidence habang 60% naman ang malnourished na mga batang katutubo.

Naghandog ng pampasiglang bilang ang mga katutubong mag-aaral ng Nueva Ecija University of Science and Technology sa isinagawang 2-day training ng mga IP educators.

Umaabot naman aniya sa 99% ang illiteracy rate ng mga katutubong Dumagat na naninirahan sa mga bayan ng Gabaldon, General Tinio at Palayan City.

Kaugnay nito, pinangunahan ng NEUST at NCIP-Nueva Ecija ang dalawang araw na training ng mga IP educators mula sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa lalawigan.

Paliwanag ni NEUST Vice President Honorato Panahon, mahalaga na isama sa polisiya ng mga eskwelahan ang pag-aaral tungkol sa mga katutubo at kultura upang mapondohan ito at matiyak na ipatutupad ito.

Nakatuon aniya ang kanilang paaralan sa pagbibigay ng libre at dekalidad na edukasyon lalo na sa mga mamamayang nasa laylayan ng lipunan kabilang ang mga katutubo.

Sa kasalukuyan ay nasa limampo at apat na kabataang katutubo ang nag-aaral sa NEUST.

Isa na rito si Bernadette Patnan na kumukuha ng kursong Bachelor of Science in Public Administration. Malaking tulong aniya ang programang ito ng NEUST para matupad nya ang kanyang pangarap na makapaglingkod din sa gobyerno.- ulat ni Clariza de Guzman


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *