Bagong gym sa Brgy. Lamorito, Guimba, pakikinabangan ng mga mag-aaral

Umulan man o umaraw ay may magagamit na ang mga mamamayan ng Brgy. Lamorito sa Bayan ng Guimba na covered court gymnasium na ipinatayo ng Pamahalaang Panlalawigan sa pamumuno ni Governor Czarina “Cherry” Umali.

Ayon kay Brgy. Captain Celestino Gamit, pangunahing makikinabang dito ang mga mag-aaral sa Elementarya ng kanilang barangay dahil magagamit nila ito para sa iba’t-ibang aktibidades sa paaralan.

Dagdag ni Kapitan, lahat ng programa sa kanilang barangay, katulad ng kasalan, sayawan at mga palaro ay maaari ring ganapin sa naturang gym at magsisilbing evacuation area kung sakaling magkaroon ng kalamidad.

Nagpahatid naman ng pasasalamat si Kapitan Gamit kay Governor Cherry at sinabing nawa’y hindi ito magsawa sa pag-aabot ng tulong sa katulad nilang maliit na barangay lamang.

Kaugnay nito, pinasinayaan kamakailan ang naturang gym na pinangunahan nina Board Member Belinda “Baby” Palilio bilang kinatawan ni Gov. Cherry at Mayor Boyong-Boyong Dizon.

Sa talumpati ni BM Baby Palilio ay ipinahayag nito ang paghanga sa mag-asawang Gov. Cherry at Former Governor Aurelio Umali dahil sa panahon ng kanilang panunungkulan ay hindi nila kinalimutag abutin kahit na ang pinakamaliliit na barangay sa lalawigan.

Samantala, nagamit na ang nasabing gym nitong Sabado at Linggo kung saan idinaos ang kapistahan ng barangay.—Ulat ni Jovelyn Astrero


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *