Baradong drainage sa Gapan City, inaksiyunan ng DPWH at ni Mayor Pascual

Sinimulan na ng DPWH o Department of Public Works and Highways Nueva Ecija 2nd District Engineering Office ang pag-aksyon sa baradong drainage na parte ng Maharlika Road sa Bucana ng Gapan City.

Nitong April 10, ay nagsimula ang DPWH sa pagbubutas ng nasabing drainage upang linisin ang mga ito at sa kasalukuyan ay patuloy nilang inaayos ang kanal sa pakikipagtulungan ng punong lungsod na si Mayor Emerson “Emeng” Pascual.

Kasalukuyang inaayos ang drainage sa Bucana ng Gapan City na isa sa nagiging sanhi ng trapik sa kanilang lugar.

Ayon kay District Engineer Ricardo Puno, inaayos na nila ang program of works para sa nasabing pagawain at hihiling sila ng pondo sa BOM o Bureau of Maintenance ng DPWH Central Office. Aniya, ito raw kasi ay nakasailalim sa Unified Project Management Office, Long-Term Performance-Based Maintenance at may private contractor na E.C. De Luna Corporation. Pero upang maisaayos ang naturang problema ay ginawan na nila ito ng paraan.

Paliwanag pa ni Engr. Puno, hindi sakop ng DPWH Nueva Ecija 2nd District Engineering Office ang naturang road section kaya’t wala silang pondo para rito. Aniya, nakailang sulat na rin sila sa E.C. De Luna patungkol sa nabanggit na problema.

Matatandaan na idinulog ni Mayor Emeng sa TV48 ang problema sa drainage at malubak na kalsada na nagdudulot ng trapik sa lungsod.

Isa rin sa hinaing ng Alkalde ay kung bakit mas inunang gawin ang drainage sa Brgy. Malimba, Gapan City gayong wala namang masyadong kabahayan at establisyimento roon.

Paliwanag naman ni District Engineer Ricardo Puno, iyon ay proyekto ng DPWH Regional Office at ang kalsada naman sa Bucana ng lungsod ay sa ilalim ng DPWH Central Office. –Ulat ni Irish Pangilinan


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *