Barikada na inilagay sa Cabanatuan-Sta Rosa boundary, pinatanggal ng NEIATF

Pinatanggal ng Nueva Ecija Inter Agency Task Force (NE-IATF) ang barikada o malaking harang na inilagay ng Cabanatuan City Government sa pagitan ng Cabanatuan-Sta Rosa boundary ng Maharlika Highway, kaninang umaga, April 17, 2020.

Napansin ng NEIATF na hindi akma ang itinayong non-movable barrier sa national highway na nagdulot ng matinding trapik kaya naantala ang mga delivery trucks ng mga pagkain at essential goods sa mga nakatakdang destinasyon nito.

Kaya naman agad nakipag ugnayan ang NEIATF sa Nueva Ecija Police Provincial Office (NEPPO) upang maisaayos ito.

Sa panayam sa telepono ng Balitang Unang Sigaw kay Provincial Director PCOL Leon Victor Rosete, matapos na makatanggap ng report ay agaran nilang ipinaalis ang nakapakong barikada at pinalitan na lamang ng separator na naghihiwalay sa bawat linya ng kalsada.

Base sa ibinabang Memorandum ng Department of Interior and Local Government (DILG) ay hindi maaring magpatupad ang LGU ng anumang bagay na taliwas sa isinasaad sa kautusan ng kagawaran na makakapagpaantala sa paghahatid ng mga essential goods ngayong panahon ng Enhanced Community Quarantine. -Ulat ni Danira Gabriel


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *