Batang may sakit sa bituka, napiling benepisyaryo ng Community Service ng SKD Academy Batch 2018

Hindi man umano nakikita ni Aling Shiena Pangilinan ng Barangay Pag-asa, Talavera ang pisikal na anyo ng Diyos ay nakikita at nadarama niya ito sa mga taong ginamit Niyang instrumento upang tulungan ang may sakit nitong anak na si Allaine Sean Pangilinan.

Sa pamamagitan ng taunang Community Service ng SKD o School Knowledge and Development Academy, isang Culinary School sa Lungsod ng Gapan, ay hindi na mahihirapan si Aling Shiena sa pagpapagamot at sa iba pang mga gastusin ng labing tatlong taong gulang niyang anak na si Allaine na dumanas ng Hirschsprung Disease o sakit sa bituka.

Ayon kay SKD Academy President at Campus Directress Marjorie Matias, ang ikatlong taon ng Commencement Exercise ng kanilang eskwelahan sa Gapan ang maituturing na pinakamemorable sa lahat dahil sa pagkakapili ng Batch 2018 kay Allaine upang tulungang mapagaling sa kanyang karamdaman at mabago ang buhay ng kanyang pamilya.

Kwento ni Matias, napili ng kanilang mga estudyante si Allaine dahil sa facebook post ni Aling Shiena kung saan inihihingi nito ng tulong ang ibang batang may sakit na kapareho rin sa kondisyon ng kanyang anak.

Dahil sa pagnanais na makatulong sa kabila ng kalagayan ng sariling anak at salat na pamumuhay ay biyayang kaloob ng langit ang dumating sa kanilang buhay.

Nakilala ng SKD ang pamilya ni Allaine noong Disyembre ng nakaraang taon at sa pakikipag-ugnayan ng eskwelahan sa Pamahalaang Panlalawigan sa pangunguna ni Governor Czarina Umali, ay natulungan ito para sa medical at financial assistance.

Maliban pa dito, pinagkalooban din ang pamilya ni Allaine ng Pangkabuhayan on Wheels, Scholarship Grant para sa kanya at Full Medical Assistance hanggang sa paggaling nito.

Sasailalim pa sa huling operasyon si Allaine, ngunit dahil sa mababang timbang nitong 24 kilos dulot ng kanyang kondisyon at mga nagdaang operasyon ay kinakailangan muna itong masustentuhan ng masusustansyang pagkain hanggang sa maabot na nito ang timbang na 30-35 kilos.

Wala na rin namang poproblemahin pa si Aling Shiena dahil sa pinagsama-samang effort ng  mga estudyante at ng eskwelahan, ng Provincial Government, nina Bokal Peter Marcus Matias, Bokal Rommel Padilla, Bokal JC Patiag, Bokal Napoleon Interior Jr. na bukas palad at handang tumulong sa kanila hanggang sa tuluyang paggaling ni Allaine.—Ulat ni Jovelyn Astrero


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *