Bayan ng Gabaldon, Unti-unting bumabangon

Gumuho ang kadundukan sa bayan ng Gabaldon at natabunan ang mga kabahayan sa ilang barangay noong kasagsagan ng bagyong Lando.
Gumuho ang kadundukan sa bayan ng Gabaldon at natabunan ang mga kabahayan sa ilang barangay noong kasagsagan ng bagyong Lando.

     Sinisikap ng bayan ng Gabaldon na makabangong muli mula sa pagkakalugmok matapos salantahin ng bagyong Lando.

     Sa pakikipagtulungan sa Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija, iba’t ibang organisasyon at mga ahensya ng gobyerno ay unti-unting nakakapag-simula ang mga mamamayan ng Gabaldon.

     Isa umano ang Department of Agriculture na nangakong magbibigay ng ayuda sa pamamagitan ng pagkakaloob ng mga binhi sa mga magsasakang naapektuhan ang mga bukirin at mga pananim.

     Ayon kay Mayor Rolando Bue, sa parte naman ng Pamahalaang Lokal ay maglalaan sila ng isang milyong piso upang makatulong sa pagpapatayo ng mga bahay na aabot sa 320 na nawasak noong kasagsagan ng bagyo.

Nagmistulang disyerto ang mga bukirin sa Gabaldon matapos salantahin ni Lando.
Nagmistulang disyerto ang mga bukirin sa Gabaldon matapos salantahin ni Lando.

     Nakabukas aniya ang mga taga-Gabaldon sa kahit na sinong gustong magbigay ng tulong ngunit idadaan na ito sa isang kasunduan para maiwasan na ang nangyari noong nagsagawa ng diumano’y clearing operations ang mga dump truck ng Cabanatuan City Government sa barangay Calabasa.

     Hinuli kasi ng mga operatiba ng Environment and Natural Resources ang isa sa dalawampo at isang driver ng truck na kumukuha ng lupa at bato sa Calabasa na dinadala sa Cabanatuan dahil wala itong kaukulang permiso.

     Pinalalabas ng Pamahalaang Lokal ng Cabanatuan na pinatigil nina Governor Aurelio Umali at Mayor Bue ang pagtulong daw nila sa Gabaldon.

     Komento ni Mayor, walang pumipigil sa mga gustong sumuporta sa kanyang mga kababayan pero ang hiling nya ay makipag-ugnayan sa Lokal na Pamahalaan, at idaan sa tamang proseso para maging maayos ang pagtulong.- ulat ni Clariza de Guzman


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *