3 bayan sa Nueva Ecija, naapektuhan ng ash fall dulot ng Bulkang Taal

Nakaranas ng ash fall ang mga bayan ng Sto. Domingo, Penaranda  at Cuyapo nitong Linggo matapos mag-alburoto at itinaas sa Alert Level 4 ang Bulkang Taal.

Sa inilabas na Philippine Emergency Alert Advisory number  2 noong January 12, Linggo  ng gabi  isa ang lalawigan ng Nueva Ecija sa mga lugar na tinukoy na maaaring makaranas ng ashfall   kaya naman nitong Lunes, January 13 ay  nag deklara  ng walang pasok sa lahat ng antas  si Governor Aurelio Umali at kinansela rin ang pasok sa mga tanggapan ng gobyernong hindi parte ng  Provincial Risk Reduction Management Council.

Ayon kay Provincial Risk Reduction Management Council Chief Michael Calma dahil sa galaw ng hangin  na umiihip pa norte ay inabutan ang Peñaranda, at Sto. Domingo  ng abo na  galing sa pagputok ng Bulkang Taal nitong Linggo.   Lunes January 13 naman ng umaga ng mag-post si Ginang Carolina Umipig ng Cuyapo ng larawan ng kanyang  kagamitan na nababalutan ng manipis na abo.

Ang abo na galing sa Bulkang Taal ay maaaring mag dulot ng iba’t ibang uri ng sakit sa balat, mata at respiratory system kaya naman pinaalalahanan ng PDRRMC ang mga mamamayan na kung magkakaroon ng ash fall ay magsuot ng N95 mask at manatili sa kanilang mga tahanan hangga’t maaari.

Ayon kay Calma, sa ibinigay na datos ng PAGASA ang  ihip ng hangin pa timog ay  inaasahan na  magiging ash fall free ang Nueva Ecija hanggang Biyernes gayunpaman  patuloy pa rin naka monitor ang PDRRMC sa posibleng pinsala na abutin ng lalawigan dahil sa patuloy na pag aalburoto ng Bulkang Taal.

Taong 1991 ay nabalot na rin ng volcanic ash ang lalawigan ng Nueva Ecija dahil sa pagputok ng Pinatubo na puminsala sa agrikultura at kabuhayan ng mga Novo Ecijano.

 Nananatiling alerto ang PDRRMC sa pagbabago sa kalagayan ng Bulkang Taal na hanggang sa ngayon ay nakataas sa Alert Level 4. – Ulat ni Amber Salazar


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *