Bokal Biscalog, nanawagan sa mga kasamahan na magkaisa sa pagpili ng bagong IPMR sa sangguniang panlalawigan

Igalang ang napagdesisyunan ng nakararami, ito ang panawagan ni Board Member Andrew Biscalog sa kapwa katutubo sa buong lalawigan patungkol sa pagpili ng bagong Indigenous Peoples Mandatory Representative o IPMR na bagong iuupo at papalit sa kanya sa sangguniang panlalawigan.

Ang kanyang panawagan ay bunsod ng hindi umano pagkakaunawaan sa panig ng mga Dumaget mula sa Bayan ng Galabdon, Gen. Tiño at Lungsod ng Palayan.

Board Member Andrew Biscalog

Ayon kay Judith Liborio, Administrative Officer ng National Commission on Indigenous Peoples o NCIP-Nueva Ecija, dalawang tribu sa lalawigan ang mayroong Ancestral Domain o lupang ninuno sa probinsya, ito ang Kalanguya at Dumaget.

Aniya, base sa lumang guidelines sa pagpili ng IPMR ay magmumula muna sa dalawang tribu na ito ang mauunang maupo sa sanggunian, kung saan kauna-unahang napili si Bokal Biscalog na kabilang sa tribu ng Kalanguya, at ngayon ay panahon naman para pumili sa hanay ng mga Dumaget.

Sa naging nominasyon sa mga Dumaget ay si Emmanuel Domingo ang inendorso ng karamihan na pumalit kay Biscalog, ngunit tinututulan umano ito ng ilang Dumaget dahil may iba silang ninanais na umupo.

Sa ginanap na Information, Education and Consultation o IEC sa Sierra Madre Suites, Palayan City noong Biyernes, February 7 ay nahuling dumating ang ilang representante ng mga Dumaget sa Bayan ng Gabaldon.

Ayon kay Chieftain Quizon, hinarang sila ng kanilang konsehal na si Randy Casamis na nakatunggali ni Domingo sa pagiging IPMR at nagngangalang Honay palabas ng kanilang bayan upang hindi makadalo sa naturang programa.

Ang IEC ay pangunahing isinasagawa ng mga katutubo upang ipaliwanag sa kanila ang guidelines o panuntunan sa pagpili ng kanilang Kinatawan sa konseho na magiging basehan ng mga selectors o elders na magdedesisyon o aapruba sa inendorsong katutubo.

Sa kasalukuyan, habang isinasaayos pa ang local guidelines at wala pang pinal na napipiling bagong IPMR ay mananatili munang nakaupo si Bokal Biscalog bilang Kinatawan ng mga katutubo sa sangguniang panlalawigan.— Ulat ni Jovelyn Astrero


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *