Brgy. San Roque, Jaen, N.E., inalis na sa lockdown

Inanunsiyo ng Jaen Inter Agency-Task Force sa pangunguna ni Mayor Sylvia C. Austria sa kanilang in-upload na video sa official facebook page na Lgu Jaen, noong July 1, 2020 ng alas singko ng hapon na inalis na sa lockdown ang Barangay San Roque sa bayan ng Jaen.

Ang anunsiyo ay ginawa matapos na magnegatibo sa swab test ang limang miyembro ng pamilya ng lalaking namatay dahil sa COVID-19, ang embalsamador at driver ng punerarya, at nagnegatibo din sa isinagawang rapid testing noong July 1, 2020 ang 245 na mga kabarangay na nakilamay.

Sa panayam kay Dr. Benny Lopez, Municipal Health Officer ay sinabi nitong nang malaman nilang positibo sa COVID-19 ang kababayan nilang ibinurol doon ay agad silang nagsagawa ng contact tracing sa mga dumalo sa lamay at kapamilyang kasama sa bahay.

Ayon kay Dr. Lopez, June 28, 2020 nang ipaswab test ang pitong nagkaroon ng contact sa namatay at noong July 1, 2020 ng umaga lumabas ang resulta na negatibo sila sa virus, sa kaparehong araw ay sinimulan naman ang rapid testing ng alas dose trenta ng tanghali at natapos ng alas kwatro ng hapon.

Dagdag nito, aabot lamang ng sampo hanggang kinse minuto bago malaman ang resulta ng rapid test at base sa kanilang isinagawa lahat ay nagnegatibo sa sakit.

Naisakatuparan aniya ang rapid testing sa pakikipagtulungan at suporta ng pamahalaang panlalawigan sa pamumuno ni Governor Aurelio Umali na nagbigay ng karagdagang 100 testing kits at nagpadala ng mga Medical Technologist mula sa Provincial Health Office.

Nagpagawa naman ng Testing Booths at sinagot din ng Lokal na Pamahalaan ng Jaen ang 145 testing kits, at ang pagpapaswab test sa pamilya ng namatay, embalsamador at driver.

Matatandaan na isinailalim sa lockdown ang Brgy. San Roque matapos na maiburol ng tatlong araw ang isang 47 anyos na lalaki na nasawi sa Malabon at inuwi sa lalawigan noong June 23, 2020 at isang oras bago ito ilibing noong June 26, 2020 ay napag-alamang positibo ito sa COVID-19.

Mensahe nina Mayor Austria at Dr. Lopez  sa kanilang mga kababayan na huwag magpanic at sumunod sa mga protocol upang mapangalagaan ang kanilang mga sarili.

Lubos din silang nagpasalamat kina Governor Oyie at Vice Governor Anthony Umali dahil sa kanilang suporta upang masiguro ang kaligtasan ng bawat isa.— Ulat ni Jovelyn Astrero

Watch – Brgy. San Roque, Jaen, N.E., inalis na sa lockdown


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *