Bulag na graduate ng SPED Center-Talavera, isa nang ganap na guro

Nagtuturo na ngayon sa Talavera Central School SPED Center si Janine Benignos ang kauna-unahang SPED Learner na nagtapos sa naturang paaralan.

Si Janine Benignos ay visually impaired mula pagkabata, nag aral ng elementarya sa Cabanatuan East Central School at sa SPED Talavera Central School, Mayapyap National High School at sa Wesleyan Bible College Rosales Pangasinan naman siya nag-kolehiyo.

Aktibong miyembro ng Nueva Ecija Association of Person With Disability at musically inclined na madalas isinasalang sa Singing Contest at Keyboard Playing naging  Most Outstanding Camper of the Year, Best in Abacus at  Best in Braille Writing.

Mapalad aniya si Janine ngayon dahil sa kabila ng kaniyang kapansanan ay nagagawa niya ang kaniyang tungkulin bilang isang guro sa tulong ng kaniyang mga kapwa guro at mga mahal sa buhay.

Inamin naman sa amin ni Janine ang kaniyang mga naranasang hirap sa paghahanap ng paaralang mapapasukan katulad ng kwestyunin, pagdudahan ang kaniyang kakayahan, tanggihan ng iba’t ibang eskwelahan, kutyain at gawing katatawanan.

Kailangan niya umanong malabanan ang takot sa pagharap ng hamon ng buhay para sa kaniyang ina na nagbigay liwanag sa kaniyang buhay.

Proud na Proud namang ibinahagi sa amin ni Josephine Benignos, ina ni Janine ang mga naging accomplishments ng kaniyang nag iisang supling sa kabila ng kapansanan nito.

Ang isa aniya sa pinakamasakit na naranasan nito sa ibang tao bilang isang magulang  ay ang  iparamdam sa kanila na kakaiba at hindi kabilang sa lipunan ang kaniyang anak. Ang pangungutya aniya ng ibang tao sa kaniyang anak ang mas nagpatibay sa kaniya bilang isang ina.

Isang kagalakan naman ayon kay Corazon Aquino, Coordinator ng SPED Center, na si Janine ay isa ng ganap na guro dahil  nagbunga na aniya ang tulong at gabay ng mga taong sumuporta sa ‘Journey’ ni Janine.  Sa ngayon ay may 128 na estudyante na ang SPED Center sa  bayan ng Talavera  na binubuo ng mga batang may kundisyon na Learning Disability, Autism, Cerebral Palsy, Mobility or Ortho, Multiple Disability-Non Verbal na hindi kayang makipag-communicate, hearing and visually impared.-Ulat ni Getz Rufo Alvaran


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *