BUSINESS HUB SA PALAYAN CITY, SINIMULAN NANG IPATAYO

Kasalukuyan nang ipinapagawa ang Business Hub sa Palayan City kung saan apat na establisyemento na nagkakahalaga ng P2-B ang ipinapatayo sa tatlong ektaryang lupain na pagmamay-ari ng lokal na pamahalaan ng lungsod.

Ayon kay Nueva Ecija Provincial Administrator Alejandro Abesamis, ang business hub ay nasa ilalim ng proyektong (PPP) Public-Private Partnership o partnership sa mga pri¬badong sektor para makapag¬patayo ng mga bagong gusaling pangkomersyo na magkatuwang na isinakatuparan ng MTD Philippines, Provincial Government at Lokal na Pamahalaan ng Palayan.

Paliwanag ni Abesamis, nabuo ang konsepto ng business hub dahil sa naunang plano sa Cabanatuan City na paglilipat ng mga national offices sa paligid ng lumang kapitolyo.

Kabilang sa apat na establisyimentong ipinapatayo ang government center, hotel at dalawang call center buildings o (BPO) Business Process Outsourcing na inaasahang makapagbibigay ng mula 13,000 hanggang 15, 000 trabaho sa mga Novo Ecijano.

Patunay dito ang pakikipag-ugnayan ng MTD sa mga Colleges at Universities sa lalawigan kabilang na ang (NEUST) Nueva Ecija University of Science and Technology para sa paghahanap ng mga maaaring mabigyan ng oportunidad na makapagtrabaho bilang staff at call center agent.

Samantala, tatagal ang konstruksyon nang nasabing proyekto ng labing walong buwan at inaasahang matatapos sa susunod na taon.- Ulat ni Mary Joy Perez


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *