Buy-bust operation sa San Jose City, nauwi sa engkwentro; Number 1 Most Wanted Person, arestado sa Gabaldon

Nauwi sa engkwentro ang isinagawang Anti-illegal Drugs Operation ng San Jose City Police Station sa barangay Calaocan noong October 14, 2019.

Napatay ang suspek na si Christian Limuel de Guzman y Carbonel alyas Christian, trenta’y uno anyos ng barangay Linglingay, Science City of Munoz.

Ayon sa ulat ng San Jose Police Station, ala una bente ng madaling araw matapos ang bentahan ng droga ay binunot ng suspek ang baril nito at nagpaputok dahil naramdaman umano nito na pulis ang kanyang nakatransaksyon.

Narekober ng SOCO sa pinangyarihan ng krimen ang isang homemade caliber .38 revolver, limang basyo ng bala ng 9mm na baril, dalawang transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu at isang kulay black na Racal MD 110 na may plate number CA90478.

Nanlaban umano sa mga pulis ang suspek na si Christian Limuel de Guzman
sa isinagawang buy-bust ops sa San Jose City.

Samantala, arestado ang Number 1 Most Wanted Person at Number 2 Sibat Target ng Gabaldon Police Station.

Kinilala ang suspek na si Mark Anthony Jose y Vegiga, 23 years old, binata, construction worker, at residente ng barangay Ligaya, Gabaldon.

Base sa report ng pulisya, dinakip ang suspek 9:45 ng umaga noong October 15, 2019 sa brgy. Bravo, Gen. Natividad sa bisa ng Warrant of Arrest na inisyu ni Judge Evelyn Turla ng RTC Branch 40, Palayan City na may petsang December 9, 2019 at may rekomendadong pyansang Php200,000.00 dahil sa kasong Frustrated Murder.

Hanggang isinusulat ang balitang ito ay nasa kustodiya ng Gabaldon Police ang suspek.- ulat Clariza de Guzman.


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *