Cabanatuan City Assistant Prosecutor Macaraig, suspendido

Suspendido ng anim na buwan si Cabanatuan City Assistant Prosecutor Francisco Macaraig matapos mapatunayang ipinagkait nito ang karapatan sa due process ni Mr. Philip “Dobol P” Piccio para sa mga kasong libel na isinampa ni Rossana “Ria” Vergara.

Sa pitong pahinang resolution ng Board of Governors ng Integrated Bar of the Philippines, Pasig City na may petsang December 7, 2017 na pirmado ni National Secretary Patricia-Ann Prodigalidad, pinagtibay ang findings at recommendation ng Investigating Commissioner para sa administrative complaint na inihain ni Piccio laban kay Atty. Macaraig.

Ibinaba ng IBP Board of Governors sa six months ang ipinataw ni Commissioner Peter Bantilan noong May 21, 2017 na parusang 1 year suspension bilang konsiderasyon dahil unang paglabag pa lamang umano ito ni Macaraig sa Rule 10.03 of the Code of Professional Responsibility for Lawyers.

April 15, 2013 nagsampa sa Office of the City Prosecutor of Cabanatuan ng 12 counts of libel si Ria Vergara kontra kay Dobol P. Na-aasign ang imbestigasyon kay Fiscal Macaraig na kaagad na nag-isyu ng subpoena kung saan inatasan nito si Piccio na sagutin ang reklamo ni Vergara.

Ipinadala ito sa registered mail sa address na nakalagay sa Affidavit-Complaint sa No. 40 Buchanan St. North Greenhills, San Juan Metro Manila. Inutusan din ni Macaraig ang process server na si Wilson Leabres upang personal na ihain kay Dobol P ang ikalawang subpoena.

Nagbyahe si Leabres mula Cabanatuan City hanggang San Juan at pagbalik nito ay iniulat kay Fiscal Macaraig na binigyan sya ng certification ng Village Administrator na si Aleli Reyes na nagsasaad na hindi na doon naninirahan si Piccio.

May 14, 2013 ibinigay ni Vergara kay Macaraig ang bagong official at office address ni Dobol P sa Old Capitol Compound, Cabanatuan City.

Ngunit sa kabila nito, tumanggi si Fiscal Macaraig na mag-serve ng panibagong subpoena sa bagong tirahan ni Piccio dahil baka magkaroon daw ng teknikalidad, at hindi raw siya sigurado kung konektado si Piccio sa kapitolyo. Kalaunan, inirekomenda nito kay Vergara ang pagsasampa ng siyam na kaso ng libelo kontra kay Dobol P.

October 22, 2013 sa mosyon ni Piccio, nagbaba ng order ang Regional Trial Court ng Cabanatuan Branch 86 para sa re-investigation ng kanyang mga kasong libel. Subalit, inihayag ni Cabanatuan City Prosecutor Renato Villaroman Jr. na hindi na ito kailangan dahil malalabag ang Rules of Court kaya nagpatuloy ang pagdinig sa mga kaso.

Ngunit, sa rekomendasyon at konklusyon ni Commissioner Bantilan, binigyang diin nito na mali ang naging rason ni Macaraig na magkakaroon ng teknikalidad kung nagpadala siya ng panibagong subpoena sa address ni Dobol P sa Cabanatuan at nagpapakita ng pagiging bias o pagpanig ng piskal kay Vergara.

Hindi rin aniya maipagkakaila ni Atty Macaraig ang tungkol sa programa ni Dobol P dahil nakalagay sa footnote ng reklamo ni Vergara na ineere ito tuwing mga araw ng Martes, Miyerkules at Huwebes sa TV48 at sa himpilan DWNE na pag-aari ng pamahalaang panlalawigan at naririnig sa buong Nueva Ecija maging sa Cabanatuan City.

Kaya alam nya at dapat na tsinek nya na nasa Cabanatuan nga si Piccio. Ang pagsasawalang bahala nito ay matuturing na kasinungalingan at panloloko .

Nabigo aniya si Macaraig na gampanan ang kanyang tungkulin bilang public prosecutor na magbigay ng patas na pagtrato nang tanggalan niya ng karapatan si Piccio na maipagtanggol ang kanyang sarili.

Dagdag pa ng Commissioner na nakasaad sa Section 14 of Article III of the 1987 Constitution, (1) na walang sinumang papanagutin sa isang krimen nang hindi dumadaan sa kaukulang proseso ng batas;

(2) ang akusado ay inosente hanggang sa mapatunayan itong nagkasala.

Paalala ni Bantilan, walang pampublikong taga-usig ang dapat na makalimot sa batayang karapatang ito ng isang mamamayang Filipino. At ang karapatang ito ay sinadyang ipagkait ni Atty. Macaraig kay Dobol P.- ulat ni Clariza de Guzman


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *