CASTS NG FOREVERMORE, DINUMOG

Dinumog noong Biyernes sina Enrique Gil at Liza Soberano na mas kilala bilang Xander at Agnes sa nangungunang teleserye ng dos, ang Forevermore. Kasama rin nila na nakisaya sa ika-isang daan at pitumpu’t tatlong anibersaryo ng kanilang patrong si San Isidro sina Kuya Bangki at Aling Aunor.

Hiyawan at tulakan, ganyan ang inabot ng mga dumayo pang pumunta sa bayan ng San Isidro upang makita lamang ang kanilang mga iniidolong casts ng Forevermore.

Simula pa lang ng ala-una ng hapon ng Biyernes, nakaabang na sa pagdating nina Enrique Gil at Liza Soberano ang fans nito.

Hindi mahulugang karayom sa dami ng tao ang harapan ng munisipyo maging ang bawat kanto ng nasabing bayan ay hindi rin magkaugaga.

Matinding traffic din ang idinulot nito sa mga sasakyan na bumabagtas papuntang Gapan City at Cabanatuan City.

Sa pagdating ng sasakyan nina Enrique at Liza kasama sina Kuya Bangki at Aling Aunor, ay agad na nagkagulo ang mga tao dahilan kung bakit naantala pa ang pagbaba nito.

Ilang sandal rin ay bumungad na sa amin ang maamong mukha nina Enrique at Liza na nakangiti sa kanilang fans.

Sa pag-ikot ng sinasakyang truck ay hindi magkamayaw sa pagtili at pagkamay ang mga fans. Halos himatayin ang mga ito nang makita ang kanilang mga iniidolo.

Kahit matagal na naghintay sa pagdating nina Enrique at Liza ay masaya pa rin ang mga manonood sa kinalabasan ng kanilang pakikiisa sa parada.

Hindi rin nagpahuli ang mahigit animnapung floats sakay ang mga naggagandahang binibini at naggagwapuhan ginoo mula sa ilang barangay ng San Isidro. Maging ang Foreignoy at Foreignay ay nakiisa rin sa kasiyahan.

Nagpasalamat ang fans kay Mayor Cesario “Dong” Lopez Jr. sa pagdala kina Enrique at Lisa dahil sa mas pinasaya ng punong bayan kasama ang buong Sanggunian ang kanilang ika 173 taong anibersaryo ng kanilang patrong si San Isidro.

Ito lamang ang paraan ng pagpapasalamat ni Mayor Dong Lopez sa mga masasaganang aning kanilang tinatanggap sa patrong San Isidro taon-taon. – Ulat ni Shane Tolentino


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *