CCS-MPVC, ISA SA MGA NATULUNGAN NG PROGRAMANG PTK NI SEN. ALLAN PETER CAYETANO

Nagmistulang celebrity si Senator Allan Peter Cayetano nang bumisita ito sa Cabanatuan City Supermarket kahapon.

Nagtungo ang senador sa nasabing pamilihan upang magbigay ng isandaan at limampung libong pisong (P150,000) pondo para sa (CCS-MPVC) Cabanatuan City Supermarket Multi-Purpose Vendors Cooperative sa ilalim ng programa nitong (PTK) Presyo, Trabaho Kita, Kaayusan.

Layunin ng PTK na matulungan ang mga maliliit na negosyante sa bansa at mapahiram ng puhunan na maaari nilang hulug-hulugan araw-araw nang may mababang interes na hindi tataas sa limang porsyento.

Karamihan kasi sa mga vendor sa Cabanatuan maging sa ibang probinsya ay umaasa lamang sa 5-6 at lalong nalulubog sa utang dahil sa taas ng interes na ipinapataw ng mga nagpapautang nito.

Paalala ni Cayetano sa mga tindera na pagyamanin at ilaan sa negosyo ang uutanging pera nang sa gayon ay hindi ito mawala o maglaho.

Pangako naman ng kooperatiba kay Cayetano na mamahalin at palalaguin pa ng mga ito ang pondong ipinagkatiwala’t ipinagkalood sa kanila ng Senador.

Samantala nauna rito, sinalubong nina Dobol P at Doc. Rey Sarmiento si Senador Cayetano bilang kinatawan ni Nueva Ecija Gov. Aurelio “Oyie” Matias Umali. – Ulat ni Mary Joy Perez

 


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *