City Engineering Office, dapat umanong sisihin sa pagkakabinbin ng pag-amyenda sa AIP ng Cabanatuan City Hospital

Nabigyang linaw sa ginanap na Ika-Dalawampu’t Tatlong Regular Session ng Sangguniang Panlungsod ng Cabanatuan na ang Departamento ng Engineering ang dapat sisihin sa pagkaantala ng hinihiling nilang pag-amyenda sa titulo ng Annual Investment Plan (AIP) sa kontruksyon ng phase 3 ng MV Gallego General Hospital (City Hospital) salungat sa paratang sa telebisyon na ang Sanggunian ang dahilan kung bakit nakabinbin ang naturang panukala.

Nauna nang sumulat ang Sanggunian sa opisina ng Engineering kung saan hinihingi nito na makakuha ng kopya ng kontrata ng pagpapagawa ng phase 1 at 2 ng ospital ngunit walang pagtugon ang nasabing departamento.

Kaya’t minabuti ng mga miyembro na ipatawag ang mga empleyado ng Engineering Office upang matugunan ang pagkaantala nito.

Ayon kay VM Anthony Umali, mahalaga na malaman at magkaroon ng tamang dokumento ang Sanggunian upang mapag-aralan kung bakit inabot ng halos limang taon ang pagpapagawa sa naturang ospital.

Ayon kay Engineering Head Lauro Pangilinan, wala sa kanila ang hinihiling na kopya ng mga kontrata sa phase 1 at 2 ng City Hospital. Kundi ang tanging hawak lamang ng kanilang opisina ay program of works ng mga nabanggit na bahagi ng ospital.

Pahayag ni VM Umali, kung hindi hawak ng Engineering Office ang mga kontrata marapat umano na gumawa sila ng paraan upang maibigay ang mga kailangan na dokumento upang makatugon sa mga hinihingi ng Sanggunian dahil sila ang humihingi ng permiso.

Aniya, hindi ito pang-gigipit kundi ninanais lang nila na maitama ang mga pagkakamali sa naunang kontrata upang hindi na lalong magtagal ang pagpapaayos sa naturang ospital. –Ulat ni Danira Gabriel

 


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *