Clearing Operations sa mga kalsada, ipinatutupad na sa Cabanatuan City

Mula sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address noong Hulyo ay nagbaba ng Memorandum Circular No. 2019-121 ang Department of the Interior and Local Government o DILG sa mga Local Chief Executives sa buong bansa upang linisin ang anumang sagabal sa kalsada na nakakaapekto sa daloy ng trapiko, tulad ng mga illegal construction at illegal parking.

Sa aming panayam kay Fortunato Abraham III, Cluster Leader ng DILG-Nueva Ecija, sinabi nito na binibigyang laya ang mga Local Chief Executive na magplano kung paano iimplementa sa kanilang mga nasasakupan ang clearing operation at maaaring gumawa ng ordinansa na nagtatakda ng mga parusa o penalty sa mga mahuhuling lalabag dito.

Aniya, mula sa pagkakalabas ng Memo noong July 29, 2019 ay binibigyan ng animnapong araw ang mga LCE upang sumunod sa kautusan at magbigay ng report sa DILG sa improvement o pagbabagong naganap sa kanilang mga nasasakupan.

Kahapon, August 7, 2019 nang ipatupad ng LGU Cabanatuan City ang clearing operation kasabay ng pagpapatupad sa Memorandum Circular No. 2007-01 na nagbabawal sa mga tricycle o pedicab sa pagbyahe sa national highways.

Ngunit nakasaad din dito na kung walang alternatibong ruta ay maaari silang payagan ng Sanggunian na dumaan dito ngunit dapat ay sa shoulder o gilid lamang ng kalsada.

Kaugnay ng clearing operations, ayon kay Mikko Mangahas ng Cabanatuan City Traffic Management Office, kahit isa o dalawa lamang sa mga gulong ng anumang sasakyan ang makikita nilang nakasampa sa Highway habang ito ay nakaparada at walang driver ay kanila itong lalagyan ng clamper kung sa loob ng limang minuto ay hindi ito naisaayos sa pagkakaparada o naialis sa pwesto.

Dagdag nito, matatanggal lamang ang clamper sa oras na makapagbayad ng kaukulang penalty sa Treasurer’s Office ang violator at maipresenta sa kanila ang resibo.

Nakapanayam naman namin ang ilan sa mga Tricycle Drivers sa Lungsod ng Cabanatuan kung saan sinabi nilang pabor sila sa naturang utos upang luminis ang kalsada at hindi na bumigat ang daloy ng trapiko.

Kung pabor ang ilan mayroon namang mga Cabanatueño ang nagpahayag ng kanilang mga komento ukol dito sa social media, tulad ng “ni hindi pa nga napapatupad yung memorandum revised na agad. Palibhasa takot mawalan ng boto”, at mayroon ding nagtatanggol sa mga tricyle driver na ang komento ay “wag puro tricycle driver ang tingnan ninyo, mas pasaway pa mga driver ng 4wheels kala mo garahe nila kung makaparada”, at “ang hulihin nyo mga kulorum yan, nakakasira sila ng toda na nagbabayad ng tamang pilahan, yang mga yan ang dapat mawala sa hiway.”— Ulat ni Jovelyn Astrero


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *