CLSU at NEUST, dinepensahan ang titulo sa Men’s at Women’s Volleyball ng NECSL Season 8

Sa ika-apat na pagkakataon ay muli na namang naiuwi ang kampeonato ng Central Luzon State University (CLSU) Green Cobras para sa men’s volleyball at Nueva Ecija University of Science and Technology Phoenix sa women’s volleyball sa katatapos na finals ng NECSL Season 8 na ginanap noong Sabado, November 16, 2019 sa Araullo University (AU) Gymanasium.

Para sa Men’s Volleyball Finals Game 2 ng Green Cobras at Phoenix ay dikitan ang laban ng dalawang koponan.

Naipanalo ng CLSU ang unang dalawang set na naging dahilan naman ng pagpapaigting ng opensa ng NEUST sa ikatlo at ika-apat na set na nagbunsod ng gitgitan sa 5th set at sa huli ay nasungkit ng CLSU sa iskor na 16-14.

Ayon kay Rene Boy Dela Cruz, ang itinanghal  bilang Most Valuable Player (MVP) ngayong season, masaya siya sa kanilang pagkapanalo gayundin sa nakuha niyang award dahil sa apat na taon niyang player ng Green Cobras ay ito ang unang pagkakataon na nakakuha siya ng parangal.

Maliban sa kampeonato ng Green Cobras para sa men’s volleyball ay pumwesto rin ang NEUST Pheonix sa pangalawa, pangatlo ang CRT Blue Fox at pang-apat ang WU-P Riders.

Ang  itinanghal naman na Mythical Six ay sina Daryl Collado ng CLSU, Kenneth Santos ng WU-P, Howard Tagarro at Vhanny Soriano ng NEUST, Marius dela Rosa at Ace Juliano ng CRT.

Samantala, hindi na pinasingit pa ng NEUST Pheonix ang Wesleyan University of the Philippines Riders sa kanilang dalawang araw na salpukan para sa Women’s Volleyball Finals.

Sa Game 1 ng dalawang koponan noong November 13, 2019 ay tinambakan sa first 2 sets ng NEUST ang WU-P sa iskor na 25-9 at 25-7 habang sa 3rd set naman ay nakabawi ng bahagya ang Riders pero hindi pa rin nakalusot sa Pheonix sa iskor na 25-18.

Sa Game 2 naman noong November 14, 2019 ay medyo naging mahigpit ang tunggalian ng dalawa pero katulad ng naunang laro ay hindi pinagbigyan ng Pheonix ang Riders sa iskor na 25-20, 25-21 at 25-22.

Nasungkit ni Krystal Rayo ang MVP award at siya rin ang Best Player sa Game 1 Finals na pumuntos ng 4 attacks at 5 service aces.

Bukod sa championship na naiuwi ng NEUST Pheonix ay pumangalawa naman sa women’s division ang  WU-P Riders, pangatlo ang CIC Kings at ika-apat ang CLSU Green Cobras.

Sina Nerren Reyes ng WU-P, Angelica Dacumos at Marian Flores ng CIC, Jan Angela Marcos ng CLSU, Anne Mauro at Maridel Regatcho ng NEUST naman ang Mythical Six para sa women’s volleyball. –Ulat ni Jessa Dizon


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *