CLSU at NEUST, grand slam winners sa Men’s and Women’s Volleyball ng NECSL Season 7; NEUST, muling nabawi ang kampeonato sa Men’s Basketball

Matagumpay ang mga koponan ng CLSU Men’s Team at NEUST Women’s Team na gumuhit ng kasaysayan at tanghaling Grand Slam Winner sa larangan ng volleyball sa Championship Game ng ika-pitong season ng Nueva Ecija Collegiate Sports League (NECSL).

Sa huling bakbakan ng CLSU Green Cobras at NEUST Phoenix ay nanaig ang bagsik ng kamandag ng Cobras at hindi na pinaporma ang Phoenix na maagaw sa kanila ang titulo ng pagiging “Grand Slam Winner” ngayong taon sa Men’s Volleyball sa score na 25-16, 25-21 at 25-17.

Itinanghal si Collado na Best Player of the Game.

Mula taong 2016, ay hindi na binitawan ng CLSU ang kanilang pwesto at ngayong taon ang pangatlong beses na magkakasunod na pinagharian ang kampeonato. Ang pagkatalo naman ng NEUST, ang nagluklok sa kanila sa ikalawang pwesto ngayong season.

Habang naglaban naman sa ikatlo at ika-apat na pwesto ang CIC Kings at WUP Riders. Kung saan, naghari ang CIC kontra WUP sa mga score na 18-25, 25-21 at 27-25 kaya’t naging pangatlo sa pwesto ang Kings at pang-apat ang Riders.

Samantala, nabigo man sa Championship ang Men’s Team ng NEUST sa volleyball. Tagumpay naman ang Women’s Team na i-angat ang bandera ng kanilang eskwelahan kontra WUP Riders.  Matagumpay na inangkin ang tatlong set sa mga score na 25-23, 28-26 at 25-21.

Ang panalong ito ang tuluyang nagluklok din sa koponan bilang Grand Slam Winner ngayong taon.

Nakamit ni Regatcho ang parangal bilang Best Player of the game.

Sa paghaharap ng CIC Kings at CRT Blue Fox ay maningning na straight sets ang ginawa ng una laban sa huli na nagpaluklok sa Kings sa ikatlong pwesto ngayong season sa mga score na 25-22 at 25-23 at ika-apat naman ang Fox.

Samantala, tagumpay na muling mabawi ng NEUST Phoenix ang kampeonato sa Men’s Basketball kontra WUP Riders.

Sa first half ng laro, ay labing pitong puntos ang ginawang lamang ng Phoenix sa score na 44-27.

Sa pagtatapos ng huling quarter, ay tuluyan ng sinelyuhan ng Phoenix ang pagkapanalo at pinatikim ng tambak na dalawampung puntos ang Riders sa score na 88–68.

Itinanghal bilang MVP si Tolentino na pasok din sa 1st Mythical Five kasama sina De Guzman ng NEUST, Ingusan at Belmonte ng WUP at Jomento ng CLSU.

Pasok naman sa 2nd Mythical Five sina Umali ng WUP, Soriano ng CLSU, Talavera ng CRT, Tolentino ng NEUST at Macaspac ng CRT.

Pumakat sa ikatlong pwesto ang CLSU Green Cobras matapos talunin ang CRT Blue Fox na pumang-apat sa pwesto sa score na 79–57.

Ang CIC Kings na kampeon noong nakaraang season ay nalaglag sa top 4. –Ulat ni Danira Gabriel


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *