Construction worker, kalaboso sa shoplifting sa isang mall; magsasaka, nagpaputok ng baril sa Laur

Kalaboso ang isang construction worker dahil sa shoplifting sa N.E Pacific Mall sa Cabanatuan City.

Kinilala ang suspek na si Wilbert Umpig y Tomagan, 33 years old, binata, at residente ng barangay Bahay Toro, Project A, Quezon City.

Base sa report ng Cabanatuan Police Station, bandang alas sais kinse ng gabi noong March 8, 2020, hinuli ang suspek nang magtangka itong itakas ang mga ninakaw na mga tindang damit na nagkakahalaga ng Php 1,400.00 mula sa Dickies Botique.

Dinala ng mga tauhan ng Dickies ang suspek sa istasyon ng pulisya at sinampahan ng kaukulang kaso.

Nasamsam ng Laur Police mula kay Noel Ercilla ang caliber .40 at mga bala nang arestuhin ito dahil sa pagpapaputok ng baril sa Barangay Uno, Laur noong March 9, 2020.

Samantala, sinampahan ng kasong illegal possession of firearm and ammunition ang isang magsasaka matapos magpaputok ng baril sa barangay Uno, Laur noong March 9, 2020.

Hanggang sa isinusulat ang balitang ito ay nasa kustodiya ng Laur Police ang suspek na si Noel Ercilla y Merla, 42 years old, at naninirahan sa Sitio Bayug, barangay San Isidro ng naturang bayan.

Ayon sa ulat ng pulisya, dakong alas singko kwarenta ng hapon, isang concerned citizen ang nag-imporma tungkol sa pagpapaputok ng baril ng suspek malapit sa bahay-kubo ni alyas Iking Pagarigan.

Kaagad na rumesponde ang mga otoridad sa lugar kung saan naabutan pa si Ercilla sa aktong hawak nito ang caliber .40 na baril.

Sa utos ng mga pulis ay isinurender nito ang armas na may kargang walong bala at nang hanapan ng mga dokumento ay wala itong naipakita.

Dahil dito ay inaresto ang suspek at nakuha mula sa kanya ang isang sling bag na naglalaman ng isang magazine ng caliber .40 at tatlumpong bala para sa nasabing baril habang dalawang basyo naman ng bala ang narekober sa pinangyarihan ng krimen. – ulat ni Clariza de Guzman.

Watch – Construction worker, kalaboso sa shoplifting sa isang mall; magsasaka, nagpaputok ng baril sa Laur


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *