COVID-19, cancer, malaria at iba pang sakit, kayang matukoy ng mga aso

Kilala ang mga aso sa kanilang matalas na pang-amoy kaya naman ginagamit sila ng mga awtoridad gaya ng kapulisan upang matukoy ang kinaroroonan ng mga bangkay ng tao at mga bomba.

Ngunit natuklasa ng mga mananaliksik na hindi lamang ito ang kaya nilang gawin kundi may kakayahan na rin umano silang alamin ang iba’t ibang karamdaman ng tao gaya ng cancer, malaria, at ang pinakabagong sakit na COVID-19.

Ayon sa mga preliminary tests na isinagawa ng University of Helsinki noong buwan ng Mayo, lumabas na kayang tukuyin ng mga aso ang mga pasyente na may COVID-19 sa mga malulusog na indibiduwal gamit lamang ang urine samples ng mga ito.

Ang kinalabasan umano ng naturang test ay nagpapatunay na tugma ito sa resulta ng mga Reverse Transcription-Polymerase Chain Reaction o RT-PCR test ng mga kalahok sa pagsusuri.

Base naman sa pag-aaral ng BioScentDx noong April 2019, natukoy ng apat na aso na may breed na ‘beagle’ ang mga taong may sakit na kanser sa pamamagitan ng pag-amoy ng mga blood samples ng mga ito na lumabas na 97% accurate.

Kasama rin sa mga kayang matuklasan ng mga aso ay ang sakit na malaria na nakukuha sa mga lamok.

Ito ang napatanuyan ng The Lancet matapos matukoy ng mga aso ang mga batang may malaria nang magsagawa sila ng pagsusuri gamit ang odor sample mula sa medyas ng mga bata na may edad lima hanggang labing tatlo.

Ang mga pag-aaral na ito ang katibayan na hindi lamang maituturing na “man’s bestfriend” ang mga alagang aso kundi mayroon pa silang mas malaking tulong para sa ating mga tao. – ulat ni El dela Cruz


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *