Crime rate sa Lalawigan ng Nueva Ecija, patuloy na bumababa

Bumaba ng 8.23% o 332 ang crime volume sa Lalawigan ng Nueva Ecija, mula sa 4, 032 noong buwan ng Enero hanggang Mayo ng taong 2018 ay umabot na lamang ito sa 3, 700 ngayong taon sa kaparehong buwan.

Ito ay base sa iprinesentang datos ni Police Lieutenant Colonel Leandro Novilla, Chief ng Operations Branch ng Nueva Ecija Police Provincial Office o NEPPO sa Joint Meeting ng Provincial Development Council (PDC), Provincial Peace and Order Council (PPOC) at Provincial Disaster Risk Reduction Management Council (PDRRMC) noong June 25, 2019.

Sa eight focus crime tanging ang kaso ng homicide na dating may walong kaso at carnapping na walang naitalang kaso noong 2018 ang tumaas.

Natapyasan naman ang mga kaso ng murder ng labing tatlong kaso, mula sa dating 48 ngayon ay nasa 35 na lang; ang rape ay bumagsak sa 51 mula sa dating 90; ang physical injury ay bumaba din ng higit sa dalawampu, halos kalahati naman ang ibinaba sa kaso ng robbery, tatlumpo’t dalawa naman ang ibinagsak ng kasong theft at mahigit sa kalahati ng dating 76 na insidente ng motornapping naman ang ibinaba nito.

Sa non-index crimes bagamat tumaas ng 115 ang bilang ng kaso sa Violation of Special Laws na karaniwan ay may kinalaman sa Anti-Drug Campaign ng Philippine National Police (PNP) at insidente ng mga aksidente sa lansangan na nagdulot ng pagkasawi na mula 74 noong 2018 ngayong taon ay umabot sa 78, bumaba naman ang Reckless Imprudence Resulting to Physical Injuries, damage to properties at iba pang non-index crimes.

Sa 3, 700 na naitalang crime volume ngayong taon 91.89% ang crimes cleared mas mataas kumpara sa dating 82.37% at 80.89% naman ang crimes solved mas mataas din kumpara sa dating 70.41%.

Iniulat din Novilla ang operational accomplishments ng NEPPO sa loob ng unang apat na buwan ng taong 2019, ilan sa mga ito ay ang kanilang kampanya laban sa mga criminal groups na nagdulot ng pagkaaresto ng pito habang dalawa naman ang napatay sa operasyon.

Sa 330 Sibat Targets ng kapulisan mula October 28, 2018 hanggang May 2019 ay 158 sa mga ito ang nahuli, habang apat ang nasawi sa operasyon.

Aabot naman sa mahigit tatlong daang firearms ang nakumpiska ng kapulisan sa loob ng apat na buwan sa kanilang pagsasagawa ng 277 operations kaugnay ng kanilang kampanya laban sa loose firearms at nagdulot ng pagkaaresto ng 126 katao.

Samantala, sa kabuuan ay maituturing umanong payapa at tahimik ang Lalawigan ng Nueva Ecija dahil sa pagtutulungan ng bawat isa sa pagpuksa sa mga krimen at iligal na droga sa probinsya. – Ulat ni Jovelyn Astrero


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *