Crime volume sa Nueva Ecija, bumaba ng 10% -NEPPO

Bumaba ng sampung porsyento ang krimen sa buong lalawigan, ayon sa Nueva Ecija Police Provincial Office (NEPPO) sa ginanap na Joint Meeting ng Local Special Bodies and Other Councils.

Sa iprenisintang datos ng NEPPO ay nakapagtala ng pagbaba ng mga kaso ng krimen sa lalawigan ang kapulisan mula Enero hanggang Agusto ng kasalukuyang taon kung ikukumpara sa nakaraang taon.

Bumaba ang Crime Volume ng 798 o 10.48% na insidente mula sa 7,651 noong 2018 ay 6,853 na lang ito ngayong 2019.

Malaki rin ang ibinaba ng Index Crime, mula sa 793 noong nakaraang taon ay 569 ito ngayong taon na nagresulta sa pagbulusok ng 224 o 28.25% na insidente.

Ang Non-Index Crime, ay bumaba din ang kaso ng 574 0 8.37% mula sa 6,858 noong nakaraang taon ay naging 6,284 na lang ngayong taon.

Iprenisinta ni NEPPO Provincial Director PCol. Leon Victor Rosete ang datos ng mga krimen sa lalawigan.

Ayon kay NEPPO Provincial Director PCol. Leon Victor Rosete, ang magandang resulta ay bunsod ng maigting na kampanya ng mga kapulisan kontra krimen at iligal na droga, alinsunod sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Pagdating sa Focus Crime ng NEPPO, bumaba ng 61 na kaso sa motornapping, 58 sa physical injury, 52 kaso sa robbery, 43 kaso sa theft, 16 sa rape, 6 na kaso sa carnapping at 5 kaso sa murder.

Habang tumaas ng 16 na kaso ang homicide at isa mula sa walang naitalang kaso sa robbery with serious physical injury noong nakaraang taon.

Ipinagmamalaki naman ng NEPPO, ang mataas na bilang ng mga nakumpiska nilang loose firearms na umabot sa 432 at nagbunga ng pagkaka-aresto sa 187 na katao. 

Aniya, ang Nueva Ecija ang may pinakamaraming nakolektang armas sa buong Region 3.

Habang maganda rin ang datos ng kapulisan pagdating sa Crime Clearance Efficiency at Crime Solution Efficiency.

Tuloy-tuloy pa rin ang kampanya ng NEPPO laban sa illegal drugs, 932 ang naaresto habang 248 ang namatay sa isinagawang 975 na operasyon ng kapulisan.

Sa ilalim naman ng Recovery and Wellness Program mula July 1, 2016 hanggang Aug 31, 2019, napagraduate at naibalik na sa komunidad ang 13,695 sa 22,274 na mga sumuko sa iligal na droga.

Sa datos ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), pagdating sa Drug Clearing Accomplishment sa 849 na barangay sa lalawigan, 775 ang kabilang sa affected at unaffected sa iligal na droga, mula sa bilang na ito ay 137 na lugar na ang nabigyan ng sertipikasyon.

Hinihikayat ni Rosete ang publiko na patuloy na maging responsableng mamamayan. –Ulat ni Danira Gabriel


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *