Cruzanian Dance Group, itinanghal na Grand Champion ng Zaragoza’s Got Talent Season 2

Sulit na sulit ang pagod at oras ng Cruzanian Dance Group matapos tanghalin bilang Grand Champion ng Zaragoza’s Got Talent Season 2 nitong nakaraang Lunes, April 2 sa bayan ng Zaragoza.

Sa loob ng walong minuto, tila idinala ng grupo ang libu-libong manonood mula sa municipal gymnasium patungo sa mundo ng mga shinobi o mga ninja sa Japan.

Sa costume at props pa lang, dinomina na ng Cruzanian ang performing stage, kasama ng nakakakilabot na music, techniques at routine na talaga namang kinabiliban ng mga hurado.

Bukod sa championship prize na 20,000 pesos, hinakot rin ng cruzanian dance group ang tatlo sa limang special awards tulad ng Best in Costume, 70’s Choice Award at People’s Choice Award.

ITINANGHAL NA KAMPEON ANG CRUZANIAN DANCE GROUP SA SEASON 2 NG ZARAGOZA’S GOT TALENT NITONG NAKARAANG LUNES, APRIL 2, SA ZARAGOZA MUNICIPAL GYMNASIUM.

Nakamit naman ng Cooltura ang 2nd place sa kanilang dance performance na may temang Eraserheads at nag-uwi ng 15,000 pesos.

3rd placer naman ang Z-Rhymes na nagpamalas ng 13-minute long energetic hiphop dance performance at nag-uwi ng 10,000 pesos. 

Ang tatlong nasabing grupo ay kabilang lamang sa labindalawang finalist.

Ang iba pang nagpakita ng kahanga-hangang talento ay sina freddilyn espiritu, The Four, Jp Domingo, Lance Joseph Revollido, Florabel Buendia, CES Kinderific, JGA X JGA, John Ross at Ground Zero.

Ayon kay Eden Belmonte, chairman ng ZGT Season 2, layunin ng kompetisyon na maipakita sa lahat ang iba’t ibang talento na mayroon sa bayan ng Zaragoza.

Dagdag pa ni Belmonte, mas pinaganda at pinaghandaan ang ZGT ngayong taon, na inaasahang mas patitindihin pa sa mga susunod na season.

Samantala, bukod sa cash prizes ay nag-uwi rin ang mga nagwagi ng trophy, certificates at scholarship awards.

Ang Zaragoza’s Got Talent ay isa lamang sa mga highlight ng kapistahan at selebrasyon ng ika-isandaan at apatnapung taong anibersaryo ng pagkakatatag ng bayan ng Zaragoza. – ULAT NI JANINE REYES.


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *