CSC Aurora, dumayo para sa mga Novo Ecijano na nagnanais na mag file sa Civil Service Exam

Buwena manong nag-file ng aplikasyon para sa Sub-Professional Exam ng Civil Service Commission Mobile Filing Aurora Field Office si Patrisha Demyr Magnase, 2nd Year College Student ng Bachelor of Science in Fisheries ng Central Luzon State University (CLSU) na ginanap sa Old Capitol, Cabanatuan City, Nueva Ecija.

Ayon kay Patrisha, bagamat dalawang taon pa bago siya maka graduate ng kolehiyo ay ninais niya na makakuha ng exam nitong March 15 upang mas maraming tiyansa na makapasa at agarang makakuha ng maganda at permanenteng trabaho sa gobyerno.

Kahit pa dalawa’t kalahating oras ang kaniyang magiging biyahe mula Bongabon papuntang Aurora National High School sa Baler para sa araw ng eksaminasyon.

Sa pahayag ni Harold Enrico, Senior Human Resource Specialist ng CSC-Aurora, mula sa mahigit dalawang daang slots ay nakapag proseso ang field office ng isang daang aplikante mula sa lalawigan sa dalawang araw na pagpapatala.

Aniya, ang magandang sweldo at benepisyo ng mga manggagawa sa gobyerno ang nakikita niya na malaking rason kung bakit marami ang kumukuha ng eksaminasyon ngayon.

Kamakailan nga ay nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Salary Standardization Law (SSL) of 2019 na layong itaas ang sahod ng mga empleyado ng gobyerno.

Ang salary adjustment ay ipatutupad ng apat na bugso at sisimulan na ngayong January 2020 at magtatapos sa 2023.

Payo ni Enrico sa mga aplikante, magsanay na magbasa ng mabilis at pag-aralan ng mabuti ang mga paksa ng exam. –Ulat ni Danira Gabriel


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *