Cum Laude ng CLSU, pasok sa Top 10 Outstanding Students of the Philippines 2019-Regional Level

Hindi umano inaasahan ni Marc Allaine R. Lazaro, na nagtapos bilang Cum Laude sa kursong Bachelor of Science in Secondary Education major in Social Studies sa CLSU o Central Luzon State University, na mapapabilang ito sa Top 10 Outstanding Students of the Philippines sa Region III.

Ayon kay Lazaro, mula sa apatnaput isang mga natatanging mag-aaral sa buong Rehiyon ay pinili ang Top 20 finalists sa pamamagitan ng pagpapasa ng bid book na naglalaman ng kanilang mga accomplishments mula noong sila ay First Year hanggang sa sila ay maging graduating student.

Aniya, inubos lamang niya ang kanyang buong apat na taon sa Kolehiyo sa mga academics at hindi na sumali sa mga extra-curricular activities sa kanilang Unibersidad kaya naman nagulat ito ng maungusan ang ibang mga katunggali at makapasok ito sa Top 20.

Nang mapili na aniya ang Top 20 ay naging back to zero ang labanan at pinili ang Top 10 finalists base sa interview na isinagawa sa bawat isa sa kanila, at kabilang nga ito sa nakapasok sa Top 10.

Binigyang diin ni Lazaro ang kahalagahan ng edukasyon sa mga kabataang katulad niya dahil dito nakasalalay ang kinabukasan ng bawat isa kaya naman bilang isang guro sa hinaharap ay kanya umanong imumulat sa kanyang magiging mga estudyante na maging inspirasyon at modelo para sa iba.

Tanggalin sa isip ang anumang negatibong bagay na nagmumula sa ibang tao bilang distraction sa pag-abot sa pangarap ang kanya namang mensahe sa mga kabataang nangangarap din katulad niya.

Malaki ang naging pasasalamat ni Lazaro sa kanyang mga magulang, sa kanyang mga naging guro mula Elementarya hanggang Kolehiyo at sa lahat ng mga taong sumupor na nasa likod ng kanyang mga napagtagumpayan sa kasalukuyan kabilang na din si Mayor Nerivi Santos-Martinez.

Proud naman ang kanyang mga magulang na kapwa mga guro sa kanilang panganay na anak na simula pa lamang noong bata ay palagi nang nakapag-uuwi ng karangalan para sa kanila.

Ang mga nakapasok sa listahan ng Top 10 sa Rehiyon ay otomatikong magiging kinatawan para sa National TOSP Search.

Ang The Most Outstanding Students of the Philippines ay kumikilala sa mga natatanging Pilipinong mag-aaral na nagpakita ng kahusayan sa academic, leadership at community service at ngayong taon ay ang ika-limamput walong taon nito.— Ulat ni Jovelyn Astrero


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *