Dalawang ambulansya, tinanggap ni Governor Umali mula sa CE CASECNAN Water and Energy Company Inc.

Malugod na tinanggap kahapon ng umaga, September 30, 2019 ng pamahalaang panlalawigan sa pangunguna nina Governor Aurelio Umali at Vice Governor Anthony Umali ang dalawang ambulansya na ibinigay ng California Energy CASECNAN Water and Energy Company Incorporated.

Ang mga emergency vehicle na ito ay ipagkakaloob sa Gabaldon Medicare Community Hospital na may iisang ambulansya at sa Bongabon District Hospital na ilang buwan nang walang nagagamit na ambulansya.

Ayon kay Vice Governor Umali, mahalaga ang ambulansya lalo na sa mga lugar na malalayo sa siyudad kung nasaan ang mas malalaking ospital na maaaring pagdalhan sa mga pasyenteng nangangailangan ng mas masusing pagsusuri o gamutan.

Binigyang diin naman ng punong lalawigan na ang mga ambulansyang ito ay gagamitin lang sa pagdadala sa isang pasyente sa ospital at hindi ito maaaring gamitin sa iba pang bagay tulad ng mga personal na lakad.

Pasasalamat naman ang isinukli ng dalawang ospital na napagkalooban ng ambulansya dahil mas maseserbisyuhan at matutulungan na anila ang mga pasyente sa kanilang bayan na nangangailangan ng tulong lalo’t higit sa Bongabon District Hospital na ilang buwan nang walang nagagamit na ambulansya dahil lagi itong nasa pagawaan.

Samantala, kahapon naman ng hapon ay nakipagpulong si Governor Umali sa Obispo at kaparian ng Diyosesis ng Cabanatuan upang hingin ang suporta ng Simbahang Katolika sa proyekto ng pamahalaang panlalawigan na pagbili ng palay sa mga maliliit na magsasaka na positibo namang tinugunan ng mga ito.

Hiningi din nito ang pakikiisa ng mga pari sa rehabilitasyon ng mga kabundukan sa lalawigan upang hindi ito tluyang masira ng iligal na gawain at kalamidad. –Ulat ni Jessa Dizon


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *