Dalawang Gapanense, nakasungkit ng gintong medalya sa Tigasin Triathlon 2018

Nakapag-uwi ng karangalan sa lalawigan at sa kanilang bayan ang dalawang Gapanense na sina Rogelio Visconde at Christian Garcia matapos silang makasungkit ng gintong medalya sa Tigasin Triathlon 2018 na ginanap nitong May 12-13 sa Capitol Resort Hotel sa Lingayen, Pangasinan.

Si Visconde na mula sa San Nicolas, Gapan City ay lumaban sa sprint distance triathlon para sa age group na 20-24 years old kung saan nanguna ito sa paglangoy ng 750M at 20KM sa pagbibisikleta habang 5KM naman sa pagtakbo.

Sa Facebook post ng binata, pinasalamatan nito ang mga taong nasa likod ng kanyang tagumpay kasama ang kaniyang Coach Melvin Fausto at Si Mayor Emeng Pascual na sumuporta sa kaniyang laban.

Pahayag pa ni Visconde, nawala ang kanyang pagod at hirap sa karera dahil sa mga bumati at umiidolo sa kaniya.

Nagpakita naman ng paghanga ang asawa ni Garcia sa kanyang Facebook post kung saan ipinahayag nito ang hindi matatawarang dedikasyon ng atleta sa triathlon. Aniya, bawat pawis nito ay katumbas ang isang hakbang papalapit sa kaniyang mga pangarap.Nag-uwi rin ng gintong medalya si Garcia, mula sa Sto. Niño, Gapan City na lumaban din sa sprint distance triathlon para sa age group na 35-39 years old.

Samantala, ang naturang palaro na pinangunahan ng Northern Cement Corporation at Trisports Solutions Inc.’s ay nasa ika-apat ng taon. Nilahukan ito ng mahigit limang daang atleta sa bansa. –Ulat ni Irish Pangilinan

 


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *