Dangerous Drugs Committee, binuo ng Sangguniang Panlalawigan ng Nueva Ecija

Sa rekomendasyon ni Vice Governor Anthony Umali ay binuo ng Sangguniang Panlalawigan ng Nueva Ecija ang Committee on Dangerous Drugs na tututok sa mahigpit na kampanya ng pamahalaan sa mga iligal na gamot sa buong probinsiya.

Si 1st district BM Eric Salazar ang napisil na Chairman ng komite, Vice Chairman si Liga ng Barangay (LnB) President BM Ariel Matias habang ang mga miyembro ay sina 4th district BM Nap Interior, Indigenous Peoples Mandatory Representative (IPMR) President BM Andrew Biscalog, 4th district BM Tess Patiag at SK President BM Sweet Cruz.

Ayon kay VG Umali, buo ang suporta ng Pamahalaang Panlalawigan sa adbokasiya ni Pangulong Rodrigo Duterte na tuluyang mapuksa ang droga sa bansa.

Ito ay alinsunod sa Executive Order No. 15 ng Pangulo na kung saan itinatag ang Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD) na binubuo ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at 20 government entities.

Dagdag pa ng Bise Gobernador, nakapaloob sa batas na ang sinomang opisyal ng gobyerno na mapatutunayang gumagamit o may kinalaman sa iligal na droga ay siguradong masisibak sa pwesto at mahaharap sa mga kaso.

Samantala, inaprubahan na ng Sanggunian sa ikalawa at huling pagbasa ang 2019 Annual Budget ng dalawampu’t isang munisipalidad at siyudad.

Ito ay kinabibilangan ng Cabiao, Carranglan, Cuyapo, Gabaldon, Llanera, Laur, Jaen, Nampicuan, Palayan City, Pantabangan, Quezon, Rizal, San Antonio, San Leonardo, San Isidro, San Jose City, Sta Rosa, Science City of Muñoz, Talugtug, Zaragoza at Guimba. –Ulat ni Danira Gabriel


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *