Dating PNP Chief Ronald ”Bato” Dela Rosa, hinikayat ang mga Novo Ecijano vs iligal na droga

Hiniling ni dating Philippine National Police (PNP) Chief Ronald ”Bato” Dela Rosa sa humigit kumulang isang libong Novo Ecijano na patuloy na suportahan ang kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa iligal na droga sa bansa sa ginanap na Anti-Illegal Drug Summit na idinaos sa Nueva Ecija Police Provincial Office (NEPPO) head quarters, kahapon, January 30, 2019.

Ayon kay Dela Rosa, kung walang gagamit ng iligal na droga sa bawat pamilyang Pilipino ay posibleng tuluyang masugpo ang ipinagbabawal na mga gamot sa Pilipinas.

Bago simulan ang summit ay nag courtesy call muna si Dela Rosa sa Punong Lalawigan Czarina “Cherry” Umali na mainit naman sinalubong kasama sina dating Gov. Atty. Aurelio “Oyie” Umali, mga Local Chief Executives at TV host na si Philip “Dobol P” Piccio.

Pasasalamat naman ang tugon ni Dela Rosa sa mainit na pagtanggap sa kaniya.

Ang summit ay dinaluhan ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan, Municipal Anti-Drug Abuse Council (MADAC), Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC), Non-Government Organizations (NGO’s) at marami pang iba.

Sa presentasyon ng NEPPO, sa mahigit dalawang taon na kampanya sa iligal na droga mula ng simulan ang “double barrel” ay nakapagsagawa sila ng halos tatlong libong operasyon na nagresulta sa pagkaka-aresto sa tatlong libo tatlong daan at siyam na pu’t anim na katao.

Sa pamamagitan din ng programa ay natukoy nila na mahigit siyam na pung porsyento ng kabuuang barangay sa lalawigan ay apektado ng droga.

Sa walong daan at apat na pu’t siyam na mga barangay sa probinsiya ay limampu’t anim na barangay na ang naideklarang drug free.

Bagama’t malayo pa umano ang bilang at malayo pa ang lalakbayin ay matigas pa rin ang hangarin ng pulisya na maging 100% drug free ang buong Nueva Ecija.

Kung papalarin umano si Dela Rosa na makaupo sa Senado ay isusulong niya na maisabatas ang death penalty para sa mga drug trafficker. –Ulat ni Danira Gabriel

 


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *