Davao, kinilala bilang “Cacao Capital of the Philippines”

Opisyal nang ginawaran bilang “Cacao Capital of the Philippines” ang lungsod ng Davao matapos ang ilang taong pagpapalago ng industriya ng cacao sa bansa.

Ito ang inanunsyo ng City Government of Davao sa isang virtual event na ginanap noong September 7, 2020 nang bigyang parangal ito ng Department of Agriculture.

Nanalo rin ang lungsod ng titulong “Regional Winner for Organic Program” sa ilalim ng kateoryang Local Government Unit (LGU) ng kagawaran.

Inihayag ni Davao Mayor Inday Sara Duterte  na ang produktong cacao ng Davao ay kilala bilang ‘world’s best’ sa industriya at dumarami umano ang mga chocolate makers sa ibang bansa na kumukuha ng cacao mula sa lungsod.

Ayon kay Duterte, simula taong 2015 hanggang 2019 ay may kabuuang bilang na 2,289 metric tons ng cacao na ang nagagawa ng Davao na tinaguriang may pinakamalaking kontribusyon ng naturang produkto sa buong bansa.

Karaniwan namang ginagamit ang cacao bilang pangunahing sangkap sa pagbuo ng tsokolate, cocoa powder at cocoa butter. – ulat ni El dela Cruz


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *