Demolisyon sa apat na bahayan sa Brgy. Dulong Bayan, Nalbugan, Quezon, ipinagpaliban

Sa bisa ng Writ of Demolition mula sa Department of Agrarian Reform Adjudication Board o DARAB Cabanatuan City na pirmado ni Provincial Adjudicator Atty. Ariel D. Maglalang ay nakatakda na sanang i-demolish ang apat na bahayan ng pamilya Pajarillo sa Brgy. Dulong Bayan, Nalbugan, Quezon, Nueva Ecija noong araw ng Biyernes, June 7, 2019.

Nadatnan ng Balitang Unang Sigaw News Team ang pamilya Pajarillo na nakatipon sa labas ng kanilang tahanan, dumating daw kasi ang Provincial Sheriff na si Laura De Guzman kasama ang demolition team na gigiba sa kanilang mga tahanan, ngunit hindi natuloy.

Kwento ni Lucena Pajarillo-Quitan, ang lupang kinatitirikan ng kanilang bahay at sinasaka na pagmamay-ari ni Eufrocina Nieves ay matagal na nilang binubuwisan bilang sila ay mga tenant dito.

Ngunit nang mamayapa si Eufrocina ay lumitaw ang pamangkin umano nitong si Lazaro Villarosa at binabawi ang lupa mula sa kanila dahil daw sa hindi pagbabayad ng buwis ng ama nilang si Felipe mula taong 1979 hanggang 2005.

Nang iapela nila ito sa Court of Appeals ay naglabas ito ng desisyon noong June 4, 2009, pabor sa kanila kung saan ipinag-utos na isantabi ang desisyon na may petsang December 13, 2007 at resolusyon na may petsang March 13, 2008 ng DARAB Quezon City at ang tenancy relationship sa pagitan nina Nieves at Felipe ay nananatiling balido.

Ngunit binaliktad ito ng Second Division ng Korte Suprema noong April 02, 2014 at ang desisyon ng DARAB sa Case No. 14727 ay na-reinstate o ibinalik at ipinag-utos na dapat magbayad nina Pajarillo at Ernesto Duldulao ng karampatang buwis mula noong May 2003 cropping season hanggang sa kanilang bakantehin ang naturang lupain.

Giit ng pamilya Pajarillo, hindi naman nila inaangkin ang naturang lupain at ang sinasabi nila umanong hindi pagbubuwis ay walang katotohanan patunay daw ang kanilang mga nakunang larawan ng mga truck at taong kumukuha nito kada anihan.

Kasama pa sa kanilang patunay ay ang notebook na naglalaman ng kabuuang timbang at bilang ng palay na kanilang ibinubuwis sa nasabing lupa na may pirma ng taong nagsisilbing representante ni Villarosa sa itaas ng pangalan nito.

Pakiusap ni Lucena na huwag na silang paalisin ni Villarosa sa lupang kinatitirikan ng kanilang mga tahanan lalo pa’t walang relocation at financial support na maibibigay para sa kanila.

Sa panayam naman ng Balitang Unang Sigaw kay Police Captain Melchor Pereja, Acting Chief of Police ng Quezon Police Station, sinabi nito na ipinagpaliban ni Provincial Sheriff De Guzman ang pag-implementa ng naturang kautusan dahil sa tensyong nabuo sa pakikipag-usap nito sa pamilya.

Dagdag ni Pereja, dadaan muna sa mas masinsinang negosasyon ang pagpapaalis sa pamilya Pajarillo upang mapahupa ang tensyon at maipatupad ng mapayapa ang naturang kautusan. – Ulat ni Jovelyn Astrero


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *