DENGUE CASES SA NUEVA ECIJA MAGING SA BUONG REGION 3, MALAKI ANG IBINABA

Malaki umano ang ibinaba ng kaso ng dengue ngayong taon sa Region 3 partikular sa lalawigan dahil sa mas pina-igting na pangangampanya laban dito ng (DOH) Department of Health katuwang ang (LGU’s) Local Government Units.

 

Ayon kay Dr. Benjie Lopez Head ng Nueva Ecija Provincial Health Office, magkatuwang ang mga lokal na Pamahalaan at ang DOH sa pagsupil ng dengue sa bansa sa pamamagitan ng mga programa tulad ng information dissemination o pagbibigay kaalaman sa publiko kung paano puksain ang mga mapaminsalang lamok.

 

Lumilibot na rin ang ilang kawani ng PHO sa mga pampublikong lugar tulad ng mga eskwelahan upang mag-inspekyon.

 

Dagdag pa ni Dr. Lopez, na bagaman mula Enero hanggang buwan ng Mayo ngayong taon ay mahigit dalawandaang kaso na ng dengue ang naitala sa lalawigan, mas mababa pa rin umano ito kung ikukumapara sa mga nakaraang taon na umaabot sa mahigit isang libo.

 

Base sa datos ng PHO, noong nakaraang tatlong taon nag-umpisang bumaba ang bilang ng mga tinamaan ng sakit at isa lamang ang naitalang namatay.

Paglilinaw ng PHO, na mahigpit nilang tinututulan ang pagpapausok o fogging na hindi umano nakatutulong sa pagpatay ng dengue bagkus ay itinataboy lang nito ang mga lamok.

 

Samantala, nagpapaalala rin ang ahensya sa publiko ngayong buwan ng Hunyo kung saan isinasagawa ang “Dengue Awareness Month” na maging malinis sa kapaligiran lalong higit sa sariling katawan lalo pa nga at malapit na ang tag-ulan.

 

Karaniwang namamahay ang mga lamok na may dalang dengue sa mga estero, nakaimbak na tubig at sa mga lugar na madumi at malamig ang temperatura.- Ulat ni Mary Joy Perez

[youtube=http://youtu.be/qk6wXKj-JNI]


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *