Desilting and dredging ng mga ilog, pinag-uusapan umano ng DPWH

   Maaari umanong maiwasan ang malakihang pagbaha sa Lalawigan ng Nueva Ecija kung madedesilt o mahuhukay ang mga kailogan, ayon kay Engineer Ulysses Llado ng 2nd District Engineering Office ng Department of Public Works and Highways.

   Ayon kay Engr. Llado, pinag-uusapan na ng kanilang Tanggapan at Project Management Office ng DPWH Region 3 kung paanong masosolusyunan ang malakihang pagbaha sa Lalawigan.

   Pangunahing solusyon na nakikita nila ay ang paghukay sa mga ilog na sobrang bumabaw dahil sa pagguho ng mga kabundukan noong nagdaang bagyong Lando at Nona.

   Tinatayang aabot sa limang bilyong piso ang kakailanganin sa dredging at desilting ng mga ilog sa probinsya.

   Dagdag ni Llado, napapanahon na upang pagtuunan ng pansin ng National Government ang suliraning ito dahil hindi lamang Nueva Ecija o kalapit na Lalawigan ang apektado nito kundi maging ang buong bansa.

   Para kay Engr. Llado, kung magsasama-sama ang National Government, Provincial Government ng Nueva Ecija at lahat ng ahensyang makatutulong ay sigurado aniyang masosolusyunan ang  problema sa pagbaha sa probinsya.

   Matatandaan na nauna na ring inirekomenda ng MGB o Mines and Geo-Sciences Bureau ng Department of Environment and Natural Resources sa DPWH ang plano para sa paghuhukay at paghahakot sa mga tumambak na banlik, buhangin, at tone-toneladang bato sa mga pangunahing ilog sa Lalawigan. –Ulat ni Jovelyn Astrero

 


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *