DILG Nueva Ecija, patuloy sa pagsasagawa ng clearing operation

Bagaman natapos na noong september 29 ang 60 days na palugit ni Pangulong Rodrigo Duterte ayon sa kanyang ipinatupad na Memorandum Circular 2019-121 ay patuloy pa rin ang pagsasagawa ng clearing operation sa lalawigan.

Tuloy-tuloy pa rin umano ang clearing operation ng DILG Nueva Ecija,  dahil marami pang mga barangay at munisipalidad ang hindi pa nalilinis ang kalsada.

Ayon kay Dennis Daquiz, Cluster Team Leader ng Department of Interior and Local Government Nueva Ecija, marami pang mga barangay at munisipalidad ang hindi pa nakakatapos sa clearing sa kanilang mga lugar dahil kulang aniya ang panahong naibigay sa kanila.

Kabilang rin aniya sa hindi pa naisasaayos ay ang mga illegal parking kaya naman patuloy parin ang pagtutulungan ng DILG at LGUs para dito.

 Aniya, aabot sa 6 meters sa kanan at kaliwa ng kalsada mula sa centro ang dapat na iclear, iyan ay para sa mga lungsod at munisipalidad.

Habang 5  meters naman mula sa centro sa kaliwa at kanan ang dapat na tanggalin pagdating sa mga Barangay Roads.

Nakapaloob sa Memorandum Circular 2019-121 na  inaatasan ang bawat Provincial Governors, City and Municipal Mayors, Punong Barangays, Heads of Local Sanggunians, DILG Regional Directors, at BARMM Regional  Governor na mag conduct ng inventory upang matukoy kung naisakatuparan na sa isang partikular na lugar ang clearing operation, na ivavalidate ng tanggapan ng DILG.

Ito ay isa lamang sa requirements ng dilg na layuning masiguro na ang bawat barangay at munisipalidad ay sumunod sa bawat patakaran.

Binigyang diin naman ni DILG Nueva Ecija Provincial Dir. Renato  Bernardino na ‘Road Clearing’ at hindi pa ‘Road Widening’ ang nakapaloob sa nasabing batas.

Bagaman natapos na ang 60 days na inilaan ng pangulo sa pagpapatupad ng clearing operation ay iminungkahi naman ni Daquiz natuloy-tuloy parin ang kanilang pagkilos dahil marami pa ang mga lugar na hindi pa naaabot ng ‘Road Clearing Operation.’

Hiniling din ni Daquiz sa mga kababayan na sana ay maintindihan ng bawat isa  ang ipinatupad na batas na ito ng pangulo dahil ito raw ang makabubuti para sa bawat mamamayan para sa pagkakaroon ng maayos at malinis na pamayanan. Ulat ni Myrrh Guevarra


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *