Doc. Anthony Umali, naghain ng kandidatura bilang Bise Gobernador ng Partido Unang Sigaw

Dalawang araw bago ang huling araw nang submission ng substitution na itinakda ng COMELEC ay naghain ng Certificate Of Candidacy (COC) si Doc Anthony Umali kahapon, November 27, 2018 sa posisyon na pagka-bise gobernador ng Unang Sigaw Partylist para sa darating na 2019 midterm elections.

Pinalitan ni Umali, ang nauna nang naghain ng kandidatura sa ilalim ng Partido Unang Sigaw na si Peñaranda Mayor Ferdinand “Blue Boy” Abesamis na umatras, noong November 20.

Ayon kay Umali, kaakibat ng kaniyang pagtakbo ay ang paghahangad na mas mapalawak pa ang pagbibigay ng may malasakit na serbisyo sa mga Novo Ecijano.

Si Umali ay dati nang nagsilbi bilang Board Member ng Ikatlong Distrito at nanalo bilang Cabanatuan City Vice Mayor nitong election 2016.

Samantala, kahapon din ay nagpalit ng tatakbuhing posisyon ang dalawang pambato ng Partido Unang Sigaw sa Lungsod ng Cabanatuan.

Si Ramon “Suka” Garcia na naunang naghain ng kandidatura sa pagka-bise alkalde ay nag-withdraw at kumakandidato ngayon bilang Mayor.

Iniatras din ni Gave Calling ang kaniyang kandidatura sa pagka-mayor at bumaba ngayon sa posisyon bilang Vice Mayor.

Habang binawi rin ni Richard Medina ang kaniyang kandidatura sa pagka-konsehal upang bigyang daan si Ariel Severino sa naturang posisyon.

Binigyang linaw naman ni Atty. Leylann Generoso Manuel, Acting Election Supervisor ng COMELEC-Nueva Ecija at City Election Officer ng Cabanatuan, na posible pa ring magpalit ng posisyon ang mga kandidato hanggang November 29.

Aniya, patuloy na tatanggap ang COMELEC ng substitution ng mga kandidatong umatras, namatay o na-disqualify. –Ulat ni Danira Gabriel


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *