DOH, nanawagan sa publiko na maging blood donor

Hinikayat ng DOH o Department Of Health na makiisa ang publiko sa pag-dodonate ng dugo, sa selebrasyon ng World Blood Donor Day. Katuwang ang Provincial Health Office, PJG Hospital, Red Cross at iba pang Government at Non-Government Organizations.

Layunin nito na bigyan ng malawak na kamalayan ang mga mamamayan sa kahalagahan ng boluntaryong pagbibigay ng ligtas na dugo. Lalo na at tumataas ang bilang nang kaso ng mga namamatay dahil sa kakulangan ng suplay nito.

Nilakipan ang kampanya ngayong taon ng “Thank you for saving my life” upang pasalamatan ang mga blood donor na araw-araw na sumasagip ng buhay sa pamamagitan ng kanilang donasyon na dugo.

Ilan sa mga benepisyo ng pag-dodonate ng dugo ay ang kasiyahan na makapagligtas ka ng buhay ng tatlo hanggang apat na katao, libreng medical check-up, pagtunaw ng calories, pagbaba ng tiyansa nang pagkakaroon ng cancer at sakit sa puso.

Para kay Charles, na tatlumput walong beses ng nag do-donate ng dugo bukod sa magandang benepisyo nito sa kanyang katawan, nakakapagdugtong pa siya ng buhay sa mga nangangailangan.

Mayroong walong type ng dugo, ang A, B, AB at O positive ay tinatawag na RH+. Habang, ang A-, B-, AB- at O- ay ang tinatawag na RH- na napakadalang na uri ng dugo.

Kasabay ng kampanya, ay ang pagbuo ng grupong RH negative blood type donors club, upang solusyunan ang pangangailangan ng bihirang klase ng dugo na ito.

Para sa mga interesadong maging blood donor, maaaring magtungo sa blood bank ng PJG Hospital upang makapag-dugtong ng buhay sa mga nangangailangan. –Ulat ni Danira Gabriel

[youtube=http://youtu.be/sbwhtK2zsYI]

 


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *