DOLE at PGNE, magkatuwang sa pagbibigay ng Micro-Layering sa mga Novo Ecijano

Magkatuwang ang Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija at Department of Labor and Employment (DOLE) sa pagbibigay ng livelihood program na Micro-layering sa mga Novo Ecijano.

Asahan ito matapos bigyang permiso ng Sangguniang Panlalawigan sa ilalim ng Suspension of Internal Rules sa ika-24 na Regular Session ang kahilingan na pumasok sa isang kasunduan o Memorandum of Agreement (MOA) ang PGNE sa katauhan ni Gov. Aurelio Umali at kinatawan ng DOLE na si Region 3 Dir. Maria Zenaida Angara-Campita, noong June 30, 2020.

Ayon kay Public Employment Service Office (PESO) Manager Maria Luisa Pangilinan, nagkakahalaga ng P2 milyon ang ipagkakaloob na pondo ng kagawaran sa kapitolyo upang mapagkalooban ng hanap-buhay ang 100 benepisyaryo sa probinsiya.

Ang bawat isang module ng Micro-layering ay nagkakahalaga ng mahigit P38, 000, kung saan sasagutin ng DOLE ang P20, 000 habang ang matitirang mahigit P18,000 ay babayaran naman ng Provincial Government.

Sa pahayag ni Vice Governor Anthony Umali, dahil sa naging pakikipagtulungan ng kagawaran sa lokal na pamahalaan ay inaasahan na mas marami pang nangangailangan ang matutulungan ng programa upang mabigyan ng alternatibong pagkakakitaan ngayong panahon ng COVID-19 pandemic. – Ulat ni Jovelyn Astrero

Watch – DOLE at PGNE, magkatuwang sa pagbibigay ng Micro-Layering sa mga Novo Ecijano


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *