DPWH, iba-blocklist ang mga kontraktor na pasaway sa paglalagay ng Early Warning Device

Maisasama sa block list ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang mga pasaway na kontraktor na hindi naglalagay ng mga Early Warning Device sa mga ginagawang road projects sa probinsiya.

Ito ang dininig sa Ika-walong regular session ng Sangguniang Panlalawigan na ginanap sa bayan ng San Isidro.

Ayon kay Macario Gazpar Jr. ng DPWH 1st District Engineering Office, hindi bababa sa tatlong device ang kailangang nakapaskil sa lugar na may layong 150 metro, 100 metro at 50 metro.

Ang usapin ay binuksan ni 2nd District Bokal Joseph Ortiz sa nakaraang session. Aniya, tila hindi sumusunod ang mga kontraktor na responsable sa paglalagay ng mga warning device.

Malimit din aniya na ginagamit na Early Warning Device ay ang mga tali na straw, kawayan o sanga ng kahoy, malayo sa itinakda ng pamahalaan na reflectorized signage upang madaling makita lalo na sa gabi.

Sa pahayag ng DPWH, hindi umano nila pinapahintulutan ang paglalagay ng mga simpleng improvised warning device dahil kasama ito sa binayaran sa kontrata. Ang mga hindi aniya sumusunod ay inaawasan ang bayad o kaya ay iba-block list ng kagawaran sa mga susunod na proyekto.

Payo ng Sangguniang Panlalawigan, mas higpitan pa ang pagpapatupad nito para sa kapakanan ng mga motorista dahil kaligtasan at buhay ng publiko ang nakataya dito.

Bunsod nito, ay pinagsusumite ng sanggunian ang DPWH ng listahan ng mga na-block nito na kontrator.

Nagpasa rin ng resolusyon ang sanggunian na nag-aatas sa kagawaran na regular na magbigay sa pamahalaang panlalawigan ng listahan ng mga proyekto nito sa probinsiya upang maiwasan ang pagkadoble ng mga ito.

Samantala, ikinatuwa naman ng sanggunian ang mainit na pagtanggap ng mga mamamayan ng bayan ng San Isidro sa kanilang pagdating.

Ito na ang ikatlong pagkakataon na idinaos ang regular session sa labas ng kapitolyo sa pagnanais ng mga miyembro ng SP na mas mapalapit pa sa mga mamamayan ng iba’t-ibang bayan at lungsod sa lalawigan. –Ulat ni Danira Gabriel

Watch – DPWH, iba-blocklist ang mga kontraktor na pasaway sa paglalagay ng Early Warning Device


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *