Drug Rehab ng pamahalaang panlalawigan, binuksan na

Pinangunahan ni Governor Aurelio Umali ang pagbubukas ng Drug Treatment and Rehabilitation Center sa Brgy. Ganaderia, Palayan City, Nueva Ecija noong nakaraang Lunes, December 9, 2019.

Isinagawa ang soft opening o open house ng naturang drug rehab upang matiyak ni Governor Umali na kumpleto na ang mga kagamitan, pasilidad at mga empleyado bago isagawa ang grand opening nito sa darating na ika-labing lima ng Enero, taong 2020.

Ayon kay Dra. Josefina Garcia, Chief ng Provincial Health Office, mayroon nang kabuuang dalawamput walong mga empleyado ang drug rehab na kinabibilangan ng apat na doctor, dalawang nurses, isang midwife, nutritionist, admin officer, cook, food server at walong security guards.

Paliwanag ni Dra. Garcia, nasa isang daang kalalakihan muna ang nakatakdang tanggapin sa nasabing pasilidad sa Enero para sa maayos na pangangasiwa sa mga ito.

Dagdag pa niya,  maaaring boluntaryong pumasok ang isang taong matindi ang adiksyon sa droga, alak, o sigarilyo sa drug rehab upang dumaan sa counseling at treatment na isasagawa sa loob ng pasilidad at sasailalim sa assessment para sa monitoring ng kanilang kalagayan.

Sa mensahe naman ni Governor Oyie, sinabi nito na gusto niya na maging inspirasyon ang nasabing proyekto sa iba pang mga lokal na pamahalaan at pamarisan ito upang mas marami pang mga Pilipino ang maligtas ang buhay sa droga.

Hiniling din ng gobernador sa mga mangangasiwa ng drug rehab ang kanilang dedikasyon at pagmamahal para sa mga magpapagamot sa pasilidad para sa mas magandang kinabukasan ng mga ito.

Ipinatayo ng Provincial Government ang Drug Treatment and Rehabilitation Center noong February 2017 sa pamumuno pa noon ni dating Governor Czarina “Cherry” Umali na ipinagpatuloy ni Governor Oyie na naglalayong muling maiabalik sa kani-kanilang pamilya ang bawat taong nalulong sa masamang bisyo. –Ulat ni Jessa Dizon


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *