Drug Rehab ng Provincial Government ng Nueva Ecija, nangangailangan ng karagdagang 37 empleyado

Sa ika-labing limang regular na sesyon ng Sangguniang Panlalawigan noong October 8, 2019 ay inaprubahan  ang kahilingan ni Governor Aurelio Umali na maglaan ng Php1, 153,510.90 para sa iba pang mga gastusin sa Drug Rehabilitation Center ng Provincial Government na magbubukas sa Nobyembre ng taong kasalukuyan.

Ang pondo ay magmumula sa unutilized o un-obligated appropriation ng Drug Rehabilitation and Treatment Center for Drug and Medicines, Taxes, Duties and Licenses at Repair and Maintenance of Machinery and Equipment.

Ayon kay Dra. Josefina Garcia, Officer-in-charge ng Provincial Health Office, ilalaan ang halagang ito para sa Office supplies, food supplies expenses, other supplies expenses, water expenses at electricity expenses ng Drug Rehab na ipinatayo sa Barangay Ganaderia, Palayan City.

Aniya, base sa  kanilang nabuong organizational structure nasa limampu’t isang empleyado ang kakailanganin, labing apat dito ay magmumula  sa kanilang opisina habang magkakaroon ng creation ng plantilla para sa tatlumpo’t pito pang karagdagang empleyado.

Binubuo ang organizational structure ng Chief of Hospital, chef of facility, mga doctor, nurses, psychologies, sociologist na hahawak sa medical, spiritual at administrative aspect na kabilang din sa susuri sa mga pasyenteng papasok sa rehab, katuwang ang Ako ang Saklay Incorporated.

Inaasahang magbubukas na ang Drug Rehabilitation Center na patatakbuhin
ng Pamahalaang Panlalawigan sa buwan ng Nobyembre.

Nilinaw din ni Garcia ang pagkakaiba ng Mega Drug Rehab na ipinatayo ng Department of Health at ng Drug Rehab Center ng pamahalaang panlalawigan, una aniya kumpleto sa mga doctor na tututok sa lahat ng aspekto ng pagkatao ng isang pasyente ang bubuksang drug rehab.

Pangalawa, dahil nasa isang daang pasyente muna ang inaasahang ipapasok dito ay mas matututukan sila sa kanilang mga pangangailangan sa pangkalusugan at emosyunal.

Sa kasalukuyan ay tatlumpong residente muna ang target nilang maadmit o maipasok sa Drug Rehab hanggang sa buwan ng Disyembre.— Ulat ni Jovelyn Astrero


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *