Dry run ng one-way traffic scheme sa Cabanatuan City, nagdulot ng matinding pagsisikip ng trapiko

Nagkaroon ng matinding pagsisikip ng trapiko sa mga pangunahing kalsada ng Cabanatuan City noong May 23, 2020, bandang alas syete ng umaga dahil sa dry run na ginawa ng Cabanatuan Police at mga tauhan ng Lokal na Pamahalaan ng Cabanatuan para sa pagpapatupad ng one-way rerouting traffic scheme sa Maharlika Highway.

Maraming motorista na lubhang naabala ang byahe ang nagalit at nagpost ng mga reklamo sa social media dahil sa bumper to bumper na traffic.

Lahat ng mga nanggaling sa south bound na papasok ng Cabanatuan City ay hindi pinadaan sa national highway bagkus ay pinaliko sa Lakewood at pindaan sa Vergara Highway patungong NE Crossing.

Habang ang mga sasakyang palabas naman ng lungsod mula sa north bound lang ang pinayagang makadaan sa Maharlika highway.

Nakumpirma ng TV48 na ang LGU Cabanatuan City ang nagpatupad ng one-way traffic scheme na ito base sa naging talakayan sa programa ni Vice Mayor Jay Vergara sa DWJJ noong May 23, 2020.

Sa panayam kay Provincial Director PCol Leon Victor Rosete ng Nueva Ecija Police Provincial Office ay sinabi nitong dahil walang koordinasyon ang LGU Cabanatuan sa Nueva Ecija-Inter Agency Task Force ay inatasan sila upang kaagad na ipatigil ito.

Base aniya sa Omnibus Guidelines on the Implementation of Community Quarantine ay hindi dapat ipatupad ang one-way traffic scheme sa National at Provincial Highway na maaaring maging dahilan nang pagkaantala ng delivery ng mga cargos at pagbigat ng daloy ng trapiko.

Dapat din aniya ay mga PNP personnel ang nangangalaga ng pagbabantay sa mga pambansa at panglalawigang mga kalsada at hindi mga tauhan ng LGU.

Alas tres ng hapon noong May 23, 2020, naibalik ang banayad na daloy ng trapiko matapos tanggalin ng mga kapulisan ng 1st and 2nd Provincial Mobile Force sa tulong ng mga sundalo mula sa 84th Infantry Battalion ang mga one-way signages sa boundary ng Sta. Rosa-Cabanatuan City, Circumferential Road at iba pa.

Mariin ding itinanggi ni PD Rosete at sinabing fake news ang facebook live ni Pepe Balagtas, reporter ng DWJJ, noong 1:55 ng hapon noong araw ding iyon na nagsasabing katuwang ang kapulisan ng NEPPO sa pagpapatupad ng one-way traffic scheme sa Cabanatuan City.— Ulat ni Jovelyn Astrero

Watch – Dry run ng one-way traffic scheme sa Cabanatuan City, nagdulot ng matinding pagsisikip ng trapiko


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *